Umiikot ang istorya sa isang gurong tinatawag na Mabuti. Hindi man ito ang kaniyang tunay na pangalan, ngunit ito ang naging tawag sa kaniya dahil hilig niyang banggitin ang “Mabuti” sa kaniyang mga sinasabi. Marami rin siyang kuwentong mabuti, kabilang ang kuwento ng kaniyang anak na nais niyang maging doktor.
Maraming humahanga kay Mabuti kabilang ang mag-aaral na si Fe. Bilib siya sa husay sa pagtuturo ng paboritong guro. Ngunit mayroong matutuklasan si Fe tungkol sa kaniyang idolo.
Isang araw kasi, mayroong problema si Fe. Umiiyak siya noon sa silid-aklatan ng paaralan. Mababaw lang naman ang hinaharap niya ngunit sadyang iyakin si Fe. Dumating ang gurong si Mabuti at nakinig sa salaysay ni Fe.
Maya-maya pa ay naiyak na rin si Mabuti. Nabanggit niyang mabuti na lamang ay mayroon siyang kasamang umiyak. Nalaman ni Fe na kahit ang isang guro ay mayroon ding suliranin. Nalaman niyang pangalawang asawa lang si Mabuti.
Namatay ang asawang doktor ng guro at doon nito nalamang hindi siya ang orihinal na asawa. Hindi niya magawa ang burol sa kanilang bahay dahil ang orihinal na pamilya nito ang nakapiling sa kaniyang mga huling sandali.
Gayunman, lumipas man ang panahon, idolo pa rin ni Fe ang paboritong guro at lagi niyang naiisip ang kuwento ni Mabuti.