Ang bansa ng Pilipinas ay isang arkipelagong may isang-libo at pitong-daang isla na matatagpuan sa may timog-silangang Asya. Ang bawat isla ay natatangi sa isa’t isa.
Dahil ang arkipelago ng Pilipinas ay pinapalibutan ng mga katubigan ng Karagatang Pasipiko, Kanlurang Dagat ng Pilipinas, Ang dagat ng Celebes, at ang Tsanel Balintang, iba-iba ang mga isda at corals sa bansang ito. Bukod riyan, ang mga anyo na tilang pinasadya ng Diyos ang mga matatagpuan naman sa lupa.
10 Halimbawa
Ang Bulkang Mayon ng Rehiyon ng Bikol ay kilala sa buong mundo dahil sa kanyang hugis na simetrikong kono. Mayroon itong taas ng dalawang-libong metro at matatagpuan sa Albay. Ito rin ang pinaka-aktibong bulkan sa bansa ng Pilipinas, at ang huli nitong pagsabog ay noong ika-18 ng Setyembre, taong 2014 lamang.
Ang tuktok ng Bundok ng Pulag ay matatagpuan sa mga probinsiya ng Benguet, Ifugao at Nueva Vizcaya. Ito ay may taas ng 2,926 na metro, at ito ang ikatlong pinakamataas na bundok sa Pilipinas, Ang tanawing makikita dito ay dagat ng ulap, at sa gabi makikita ang nagniningning na mga bituin.
Ang Tsokolateng Burol ng Bohol ay ang pinakasikat na tanawin sa Bohol. Ang mga burol ay naging tanyag sa kanilang mala-tsokolateng itsura kapag tag-init. Ang tinatayang dami ng mga burol dito ay hindi baba ng 1,260, at hindi hihigit 1,776, at ang sakop ng buong panturismong pook ay may limampung kilometro-kuwadrado
Ang Hagdang-hagdang Palayan ng Banaue ay matatagpuan sa Ifugao. Ito ay sikat sa buong daigdig dahil sa malinis na pagkakaukit rito. Ang pagkalilok sa bundok ay isang malaking mysterio, dahil kakaunting materyales ang ginamit ng mga sinaunang katutubo ngunit sa pulidong pagkakagawa nito, mukha itong ginamitan ng mga modernong gamit.
Ang Underground River na ito ay matatagpuan sa Palawan. Noong taon ng 2010, natuklasan ng mga heograpo at mga environmentalist na mayroong ikalawang palapag ang kuweba, nangangahulugang mayroon mga maliliit na talon sa loob nito. Ito ay kinilalang isa sa mga “New Seven Wonders of the World” noong ika-28 ng Enero, taong 2012.
Ang Vayang Rolling Hills ay isa sa mga pinakasikat na lugar sa probinsya ng Batanes dahil dito mo makikita ang silangan at kanlurang bahagi ng isla ng Batan. Madalas itong kasama sa mga travel packages na binebenta ng mga iba’t-ibang kompanyang nag-aalok ng serbisyo para sa mga turista. Ayon sa mga turistang nakapunta na sa Batanes, parang wala daw sila sa Pilipinas pag tungtong nila sa Batanes dahil ibang-iba ang mga tanawin na makikita dito.
Isa sa mga pinakasikat na pook pasyalan sa Pilipinas ang lawa ng Taal. Ito ay dahil sa bukod-tanging ganda ng bulkan na pinalilibutan ng lawa. Maliban sa nakabibighani nitong ganda, sikat din ang lawa ng Taal dahil sa sagana ito ng isdang Tawilis.
Ang isla ng Coron ay madalas mabangggit sa maraming travel blog ng mga lokal at dayuhan na napapasyal sa Palawan dahil sa mala-paraiso nitong itsura. Ang pinakasikat na pasyalan dito ay ang Kayangan Lake at ang Twin Lagoon, kung saan maaari kang sumakay ng bangka upang masaksihan ang likas na kagandahan ng mga naglalakihang tipak ng limestone at napaka-linaw na tubig ng mga lawa.
Kilala ang Lake Sebu ng South Cotabo dahil sa pitong talon na matatagpuan dito. Marami din ang pumupunta rito dahil sa mga nakapapanabik na zipline na kung saan ay makikita ang mga iba’t-ibang talon at ang saganang mga gubat na merong naglalakihang puno.
Ang isang daang isla ng Alaminos ay patok na patok sa mga turista dahil sa puting buhangin ng mga isla, mababaw na tubig at napakaraming makukulay na isda. Ang mga pinakasikat na isla rito ay ang Governor’s Island, Children’s Park at Quezon Island.
Napakaswerte talaga nating mga Filipino sa ating bansa, hindi na natin maglakbay ng pagkalayo-layo para lang makakita ng mga tanawin na nakakamangha dahil kahit taga saan ka man parte ng Pilipinas nakatira, palaging meron malapit na tanawin na pwedeng puntahan at ipagmalaki.
Ikaw? Ano ang malapit na tanawin sa inyo pwede mong ipagmalaki sa buong mundo? Share mo naman ito sa comments section sa baba! 🙂