Ang wika ay sandata na ginagamit ng kahit anumang uri ng tao sa lipunan. Bata, matanda, may pinag-aralan o wala, mayaman man o mahirap, wika ang bukod tanging instrumentong pangkomunikasyon na walang pinipili.
Ang lahat ay pantay-pantay. Gamit natin ito upang maipahayag natin ang ating saloobin, damdamin, at mga ideya o opinion.
Kahulugan ng Matalinhagang Salita
Ang wikang Pilipino ay mayaman at hitik sa maraming klase ng panitikan. Gabay ito at gamit ng ating mga linggwistiko at mga manunulat sa paglimbag at paglathala ng mga iba’t-ibang uri ng babasahin. Isang uri ng panitikang Pilipino ang matalinhagang salita.
Ang parte ng wikang ito ay may malalim na mga kahulugan o di kaya’y halos walang tiyak o kasiguraduhang ibig-ipahiwatig maliban sa literal na kahulugan nito. Ito ay ginagamitan ng mga kasabihan, idyoma, personipikasyon, simili at iba pang uri ng mga mabubulaklak at nakakalitong mga salita.
Karamihan sa ating mga manunulat ay gumagamit ng mga matalinhgang salita. Ito ay sumasalamin sa kanilang malalim na uri ng pagkatao. Naglalarawan din ito ng pagiging tunay na alagad ng sining ng wikang Pilipino. Ang pagsusulat sa patalinhagang pamamaraan ay isang istilo para mahikayat ng may akda ang kanyang mga mambabasa.
Mahirap unawain at intindihin ang isinasaad ng mga matalinhagang salita. Ngunit sa kabila nito ay nagbibigay ito ng interes at misteryo upang mas unawain pa at pilit na alamin ang ibig ipahiwatig ng mga may akda. Sa gawing ito ay mas natutuunang pansin natin ang pagkakaroon ng mahabang oras sa pagbabasa.
Mga Halimbawa ng mga Matalinhagang Salita
- Kautotang dila – Kakwentuhan
- Krus sa balikat – pabigat o pasanin sa buhay
- Itim na tupa – suwail na anak o kapatid
- Balat sa tinalupan – paglalarawan sa damdamin ng isang taong galit
- Tubong lugaw – malaking pera mula sa maliit na puhunan
- Matimtimang Cruz – mahinhin at pino kung kumilos
- Lintik lang ang walang ganti – Kailan man ay hindi mo magagantihan ang kidlat na siyang tinutukoy sa salitang lintik.
- Hampas sa amo ang latay ay sa kalabaw – ang kasiraan ng nasa taas ay mas masarap kesa sa mga nasa ibaba
- Balat sa pwet – may dalang malas sa buhay
- Halik ni Judas – traydor
- Haba ng buhok – pakiramdam ay maganda
- Balasubas – Walang modo
- Nauna pa ang kariton sa kalabaw – Mayabang o adelentado
- Kambal tuko – di makapaghiwalay
- Sanggang dikit – matalik na magkaibigan
- Matapobre – mapanglait
- May nunal sa dila – madaldal
- Matigas pa sa riles – kuripot
- Makapili – traydor
- Mang-oonse – madaya/makupit
Kahalagahan ng mga Matalinhagang Salita
Mahalaga ang pag-gamit ng mga salitang matalinhaga. Dito nahuhubog ang ating intelektuwal na kaisipan. Nagkakaroon din tayo ng mas malalalim na pang-unawa at pag-aaral sa mga salita na ang akala natin ay simple lamang. Nahihimok din tayo na pagyabungin at mas palaganapin ang wikang sariling atin.
Isa sa mga popular na babasahin na punong-puno ng matatalinhagang salita ay ang bibliya, na nailathala noon unang panahon. Wala sa anumang uri ng diksiyonaryo matatgpuan ang kahulugan ng bawat isa dito. Para ito ay lubos na maintindihan, kailangan ay maging sinsero ka at bukas ang iyong kaisipan upang maintindihan ang damdamin ng may akda. Ang bawat matalinhagang salita ay likas na may kurot at kiliti sa bawat mambabasa. Ito ang mga nagsisilbing pampagana at pampalasa ng mga babasahin.
Maging sa larangan ng pamamahayag sa telebisyon, radio, at diyaryo ay di mahuhuli ang pag gamit ng matalinhagang salita. Nagbibigay ito ng dagdag na kulay sa bawat mensahe na gusto nilang iparating.
Dito nila nagagamit ang kanilang katalinuhan sa pagpili ng mga salita o wika upang makuha ang atensiyon ng kanilang mga manunuod. Sa sektor man ng sining ng pinilakang tabing at mundo ng aliwan, madalas din nating marinig ang mga ganitong uri ng wika. Mga salitang namumutawi sa bibig ng mga artista na nag-iiwan ng tatak sa kanilang mga pagkatao. Ang mga iba dito ay nagiging parte na sa sirkulasyon ng wikang Pilipino.
Nakakatuwa at minsan ay nakakainis, yan ang eksaktong pakiramdam pag ikaw ay nagbasa ng matalinhagang salita. Pero sa likod nito ay andiyan pa rin ang ating pagnanais na malaman kung ano ang mas malalim na kwento pa nito.
Ligaya, galak, tuwa at dakilang aral sa buhay ang ating natututunan sa bawat matalinhagang salita na ating naiintindihan. Bawat wika ay dagdag sa gintong butil ng ating likas na kaalaman. Gaano man katalinhaga ang mga salita ay tunay na sila ay napakahalaga.