Mahal ang edukasyon pero mas mahal ang maging mangmang. Ang pagkakaroon natin ng sapat na edukasyon ay gabay ng sinuman sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan. Sa uri ng lipunan na ating ginagalawan ngayon, talo at dehado ang mga taong walang pinag-aralan.
Hindi sapat ang makatungtong lamang sa paaralan at matuto ng simpleng pagbasa at pagsulat. Ang uri ng edukasyon sa bagong milenya ay ang pagkakaroon ng natapos na kurso para tayo ay makasabay sa progresibong teknolohiya na ginagamit sa ating mga modernong pangkabuhayan.
Edukasyon ang natatanging gamot sa kamangmangan. Ang pagkakaroon ng salat at kulang na kaalaman sa maraming bagay ang siyang nagiging balakid upang hindi natin makamtan ang ating mga gustong makamit at marating sa buhay.
Sa pakikipagsapalaran sa paghahanap ng trabaho, ang unang tinatanong ay ang antas ng ating pinag-aralan. Mahirap ang walang natapos na kurso dahil palagi tayong napag-iiwanan sa anumang larangan. Dahil dito mga mababang uri at pasahod na trabaho ang karaniwang ibinibigay sa atin.
Dito na tayo nasasadlak at mahirap na ang pag-angat sa mas mataas pa na posisyon. Wala tayong magagawa dahil ito ang reyalidad at tunay na kalakaran sa mga taong kulang ang pinag-aralan.
Ang kawalan ng edukasyon ng isang indibidwal ay mistulang isang kapansanan ng kaniyang pagkatao. Mayroon tayong mga naririnig pero hindi natin lubos na naiintindihan, mayroon tayong nakikita ngunit hindi natin sadyang maintindihan.
Ganito ang ating kahihinatnan, animo’y mga bulag at bingi sa may malinaw na mata at taynga. Ito po ay patunay lamang na talagang napakahirap ng maging isang mangmang sa lipunan. Ikaw nanaisin mo bang mapabilang sa mga ganitong uri ng mamamayan ng ating lipunan? Sana ang inyong kasagutan ay hindi.
Katulad ng isang buto ng anumang uri ng halaman, ang taong may pinag-aralan saan man itapon ay kusang mabubuhay. Maging sa mga banyagang lupain man, kaya nating tumayo at makipagsabayan sa anumang uri ng buhay.
Malayo sa takot at pang-aapi. Kapag ikaw ay may pinag-aralan kaya mong lumaban ng patas at malayo sa panlalamang ng kapwa mo.
Ang edukasyon ay para sa lahat, ito ang programa ng ating pamahalaan ngayon. Ang natatangi na lang nating obligasyon ay ang tulungan ang ating mga sarili. Maging mapursigi sana tayo para lubusan nating mawakasan ang hirap ng kamangmangan, hindi lamang para sa ating kinabukasan bagkus ay para sa ating inang bayan.
Walang pinipiling edad ang edukasyon. Hanggang mayroon tayong pagkakataon at oras para makapag-aral ay samantalahin natin ito. Huwag natin itong ipagwalang-bahala. Masarap ang tumunganga at tumambay sa buhay pero wala ng sasaklap at hihirap pa sa kalagayan ng taong walang natapos sa buhay.
Tanggalin po natin sa ating mga kaisipan na ang edukasyon ay para sa mga mayayaman lamang. Sa ating mga ordinaryo at mahihirap na tao mas higit nating kailangan ang edukasyon sa ating buhay. Hindi lamang ito mag-aahon sa atin sa kahirapan, bagkus ay ito rin ang natatanging pamana sa atin ng ating mga magulang na kailanman ay hindi mananakaw ninuman.
Sa pagkakaroon ng sapat na edukasyon sana ay gamitin natin ito sa tamang pamamaraan. Maging responsable sana tayong mamamayan at huwag lamang ipagyabang ang natutunang aral.
Maging mabuti tayong ehemplo lalo na sa mga kabataan. Ibahagi ang inyong mga dunong at huwag itong ipagkait lalo na sa mga nangangailangan.
Sana ay nabigyan ko kayo ng mga butil ng kaalaman na magsisilbing gabay at inspirasyon niyo sa buhay. Sana sa pag-uwi ninyo sa inyong mga tahanan ay baunin ninyo ang mga aral ng buhay na magbibigay sa inyo ng pagkakataon upang higit pang pag-isipan ang kahalagahan ng aral at edukasyon sa buhay ng isang tao.