Ano Ang Pandiwa?

Ang pandiwa ay bahagi ng pananalita o wika na nagsasaad ng kilos, aksyon o galaw ng isang tao, bagay o hayop. Ang mga salitang pandiwa ang siyang nagbibigay buhay sa loob ng isang pangungusap.

Ang mga salitang pandiwa ay binubuo ng salitang ugat na kalaunan ay dinudugtungan ng isa o higit pa na bilang ng mga panlapi. Maaaring ito ay hunlapi, o mga panlaping nasa hulihan ng salitang ugat, gitlapi o mga panlaping nasa gitna ng salitang ugat o kaya ay unlapi, mga salitang nasa unahan ng salitang ugat.

Nag-iiba ang antas, uri, kahulugan at kaganapan, tinig at layon ng mga pandiwa ayon na rin sa mga panlapi na ginagamit at idinudugtong dito. Ang mga panlaping ginagamit sa mga pandiwa ay tinatawag na makadiwang panlapi. Dahil sa paggamit ng mga makadiwang panlapi nagkakaroon rin ng bagong diwa ang mga payak na salitang pandiwa.

Ang mga pandiwa ay mayroon ring iba’t-ibang uri ng gamit. Bukod sa pagsasaad at paglalarawan nito ng mga kilos o aksyon, ito rin ay nagpapahayag ng mga karanasan at mga pangyayari na puwede nating mailarawan gamit ang mga salitang pandiwa.

Pandiwa bilang aksyon


Mayroong aksiyon ang pandiwa kung may elemento ng pangunahing tagaganap, tagagawa o tinatawag na aktor ng isang kilos o galaw. Ang simuno o ang paksa ng pangungusap ang pangunahing tagaganap o tagagawa. Nabubuo ang mga pandiwang bilang aksyon sa paggamit ng mga panlaping, um, mag, ma-, mang-, maki-, at mag-an. Ang aktor ng ng pandiwa ay maaaring tao, bagay o hayop.

Halimbawa

-Tumahan ang sanggol sa pag-iiyak nang dumating ang kanyang nanay. (Ang pandiwa ay tumahan at ang aktor o tagaganap ay ang sanggol.)

-Kahit na masungit ang panahon ay naglakbay pa rin ang mga mandaragat. (Ang pandiwa ay naglakbay at ang aktor o tagaganap ay mga mandaragat.)

Pandiwa bilang karanasan


Ang mga pandiwang ginagamit dito ay nagpapahayag o naglalarawan ng damdamin, saloobin o kaya ay ng emosyon ng isang tao o hayop. Ang mga salitang ito ang nagsisilbing pandiwa ng isang pangungusap.

Halimbawa

-Nagalak ang mga mag-aaral sa lahat ng antas dahil sa pagsususpende ng klase bungsod ng transport strike noong nakaraang Lunes at Martes. (Ang karanasang pandiwa na ginamit ay nagalak, at ang aktor o tagaganapa ay ang mga mag-aaral.)

-Ang aming alaga na si Junior ay naglalambing sa akin dahil gusto niyang lumabas ng bahay. (Ang karanasang pandiwa na ginamit ay naglalambing, at ang tagaganap ay ang aso na si Junior.)

Pandiwa bilang pangyayari


Natutukoy ang isang pandiwa ayon sa resulta ng isang pangyayari o kaganapan na nakapaloob sa isang pangungusap. Sinasalamin at inilalarawan ng mga pandiwang ito na sa bawat aksiyon na nangyayari ay may kaakibat na reaksyon na maaaring mangyayari.

Halimbawa

-Dahil sa malakas na hagupit ng bagyong Yolanda sa Leyte, marami sa nga tao dito ay napilitan ng lumikas sa ibang lugar. (Ang pandiwa na ginamit ay lumikas at ang pangyayari ay hagupit.)

-Tumawid ang ale sa maling tawiran kaya siya ay nahagip ng mabilis na sasakyan. (Ang pandiwa na ginamit ay tumawid at ang pangyayari ay nahagip.)