Ang impormal na sektor ay bahagi ng sistemang pangkalakalan ng isang bansa. Kung dati ay nakikita lamang ang ganitong uri ng mga mangangalakal sa mahihirap na bansa.
Ngayon ay tumataas na rin ang bilang ng mga ito sa mga mauunlad na lipunan.
Ano ang Impormal na Sektor
Ang impormal na sektor ay hindi kasama sa pagsukat ng ekonomiya ng bansa. Bagamat sila ay mga negosyante rin, hindi naka-rehistro sa talaan ng mga ligal ang kanilang pingkukuhanan ng kanilang pangkabuhayan dahil wala naming katiyakan kung sila ay kikita o hindi.
Dahil rito ay maraming kasapi ng impormal na sektor ang hindi naasikaso ang pagbabayad ng buwis.
Dahilan ng Paglaki ng Impormal na Sektor
Isa ang kahirapan sa maraming dahilan kung bakit marami ang mga namumuhunan at sumusubok na makipagsapalaran at sumabay sa agos ng kalakalan. Ang paglobo ng naturang sektor ay bunga rin ng kapos at tila walang katiyakang estado ng mga trabaho sa ating lipunan.
Sa isang bansa na kulang ang oportunidad at pantay na pribelihiyo upang magkaroon ng disente at legal na trabaho, ang pagiging parte ng impormal na sektor ang pinakamadali na solusyon na kinakapitan ng mga tao. Pansamantala man itong solusyon sa mata ng marami, ito ay tinatanaw ng mga kapus-palad na biyayang napakalaki.
Halimbawa ng mga Miyembro ng Impormal na Sektor
Gaya na lamang na nasabi kanina, sadyang napakarami ng miyembro ng sektor na ito. Ilan sa mga madalas na makita sa lansangan ay ang mga nagbebenta ng kakanin sa bangketa, mga pedicab drayber, at ang naglalako ng kalakal gamit ang maliit na espasyo sa loob ng kanilang mga tahanan. Ito ay ilan lamang sa mga uri ng mga sektor na impormal na maihahanay na simple at marangal.
Nauuwi rin ang mga ilan sa pagiging parte ng sektor na impormal dahil na rin sa hirap at tagal ng proseso para makapag-umpisa ng isang negosyo. Talamak pa rin ang red tape at korapsyon sa kagawaran ng pamahalaan. Isa pa dito ay ang mataas na bayad upang makakuha ng business permit at mayroon pang kaakibat na mga buwis na dapat bayaran bago mag-umpisa ng negosyo.
Ilan sa kagandahan na dulot ng pagkakaroon ng mga sektor na impormal ay ang kabawasan ng mga walang hanap buhay, pagbaba ng bilang ng krimen lalo na ang pagnanakaw at higit sa lahat ay pag-unlad ng mga naghihirap na madalas nagiging pasanin ng ating gobyerno.
Negatibong Epekto ng Sektor na Impormal
Kakambal ng mga kagandahan na dulot ng sektor na impormal sa lipunan ay ang negatibong epekto nito sa larangan ng ekonomiya.
Unang matatamaan sa ganitong kalakalan ay ang kaban ng bayan. Dahil sa walang kaukulang mga dokumento ang negosyo ng mga sektor na impormal, wala ring magagamit na sukatan kung magkano ang dapat nilang bayaran sa pamahalaan.
Karamihan din sa mga konsyumer ay tinatangkilik ang mga produkto at serbisyo ng mga sektor na impormal. Kadalasan kasi na mababa ang kanilang presyo. Hindi kasi dumadaan sa inspeksiyon ang karamihan sa kanilang mga produkto at wala itong pahintulot mula sa merkado. Ang mga iba dito ay mga kontrabando na lihim na nakakapasok sa ating bansa.
Ang ganitong sistema ng kalakalan ay lubos na nakakabahala hindi lamang sa aspetong pang ekonomiya bagkus ay sa usapin din ng kalusugan ng mga mamimili.
Ang kumita ng pera sa paraan ng isang sektor na impormal ay hindi masama. Samahan lamang itong ng magandang pananaw at responsibilidad. Sa paghangad ng konting kaginhawaan sa buhay ay huwag ilalagay sa kumpormiso ang kalagayan ng mga nakakarami.