Bantog ang Asya bilang ang pinakamalaking kontinente sa buong mundo. Ito ay binubuo ng limang rehiyon na tinatawag na Kanlurang Asya, Hilagang Asya, Timog Asya, Silangang Asya at Timog-silangang Asya.
Sa kabuuan, ang kontinente ng Asya ay may sukat na 43 milyon kilometro kwadrado o di kaya naman ay 17 milyon milya kwadrado.
Asya – Ang Mga Yaman Nito
Dahil napakalawak ng kontinenteng Asya, maaasahang makakakita ka ng maraming anyong tubig at lupa dito. Ayon sa mga batikang geologist, napakatindi ng mga pisikal na katangian ng Asya. Halimbawa na lamang sa mga nakahihindik na mga istraktura sa Asya ay ang Mt. Everest o ang tinaguriang pinakamataas na bundok at ang pinakamataas na parte sa buong daigdig. Sa Asya din matatagpuan ang pinakamalalim na parte ng mundo – ang Marianas Trench.
Dito rin matatagpuan ang mga bulubundukin ng Himalayas, Ural at Caucasus, na pawang mga sikat na puntahan ng mga mahillig mamundok. Maliban sa mga bundok at trenches, kilala din ang Asya dahil sa mga napakasaganang mga sakaan na matatagpuan sa Mongolia, ang napakalawak na mga diseryto tulad ng Gobi, Thar, Takla Makan at Arabia.
Dito rin makikita ang mga naglalakihang puno at mga kakaibang hayop at halaman sa mga gubat ng Aokigahara ng Japan, Palawan ng Pilipinas, Taman Negara ng Malaysia, Khao Sok ng Thailand, at maging ang rainforest sa Borneo. Marami din mga nagtataasang mga talon tulad ng Hyatung ng Nepal, Nokhalikai ng India, at Bambarakan ng Sri Lanka.
Pagdating naman sa mga makasaysayang mga ilog, nandiyan ang Tigris at Euphrates na matagpuan sa Kanlurang Asya, Brahamaputra, Ganges at Indus na dumadaloy sa India, Huang Ho ng Tsina, at Mekong na dumadaloy sa Vietnam, Cambodia, Myanmar at Laos. Sa bandang hilagang Asya naman ay makikita ang mga tundra or lugar kung saang nababalot ng yelo ang lupa. Sa gawing sentro ng Asya matatagpuan ang mga steppes kung saan maraming naninirahan na mga tupa at mga iba pang hayop na kumakain ng damo.
Bukod sa iba-ibang pisikal na katangian ng kontinenteng ito, ang bawat lugar dito ay nakakaranas din ng paiba-ibang klima. Sa hilagang Asya, madalas na magyelo ang mga bansang kabilang dito, tulad na lamang ng Siberia at ng Tajikistan, Turkmenistan, Uzbekistan, Kazakhstan at Kyrgyzstan.
Sa kanlurang rehiyon naman, madalas na mainit ang panahon dahil karamihan sa mga bansang kabilang dito ay may mga malawak na disyerto. Ang ibang rehiyon tulad ng timog at timog-silangan ay nakararanas na panaka-nakang pag-ulan at mahabang panahon ng taginit, habang ang silangan rehiyon ay mayroong tag-init, tagsibol, taglagas at taglamig.