Mitolohiya

ang kumpletong explanation ng lahat ng mitolohiyaAno nga ba ang mga katangian ng Mitolohiya? Ang kwentong mitolohiya ay isang malaking uri ng literatura na kung saan ang madalas na tinatalakay ng mga kwento ay mga diyos at diyosa at iba pang makapangyarihang nilalang.

Kadalasan ito ay naka-ankla sa kultura, tradisyon, alamat at relihiyon ng isang rehiyon o bansa. Madalas, ang tinatahak na tema ng mitolohiya ay kababalaghan. Ngunit, kahit na nababalot ito ng kababalaghan at madalas ang kathang-isip lamang, mayroong pa din itong mga nai-aambag sa kasaysayan at pati na rin sa mga modernong pag aaral.

Ang mitolohiya ay parating mayroong mga gintong aral na ipinagkakaloob sa mga nakakarinig o nakababasa nito. Dagdag na rin ito sa kaalaman kung ano ang tradisyon at kultura ng nasabing lugar ng mitolohiya dahil isinasalamin nito ang kabuhayan noong ito ay isinusulat.

Mitolohiya Noon

Sinasabing ang mitolohiya ay nag-umpisa pa bago naitaguyod ng kanya-kanyang mga sekta ang relihiyon. Buhat dito, ang mga lokal na lumaking nakikinig sa mga mito ng kanilang bayan ay tiningala ang mitolohiya bilang kanilang relihiyon at ginagamit nilang gabay upang mabuhay ng matiwasay.

Ang pinakamainam na halimbawa ay ang Griyego, na kung saan ang kanilang mitolohiya ay kitang-kita sa kanilang literature, kultura, arkitektura at porma ng sining.

Ang mga sinaunang tao ay nagpatayo ng mga monumento, estatwa, gusali at mga larawan para sa tinitingala nilang mga diyos at diyosa. Noon rin ay nagsasagawa sila ng mga ritwal para sa mga diyos at diyosa na pinaniniwalaan ng mga tao upang maitaboy ang mga masasamang elemento at ispirito at humingi ng gabay sa kanilang pagdedesisyon.

Mitolohiya Ngayon

Sapagkat tayo ay nabubuhay na sa bagong panahon, marami na ang tumalikod sa pagsamba sa mga diyos at diyosa ng mga mito. Ngunit, kahit na may mga bago ng pananaw at paniniwala ang mga tao, nanatili pa rin na isang malaking parte ng kultura ang mitolohiya.

Madami na ring mga nagpapakadalubhasa sap ag-aaral ng mitolohiya. Ito ay pinag-aaralang upang maintindihan ang ang mga iba’t ibang estilo ng pagsusulat, mga patalinhagang porma ng pagsasalaysay, at iba pang uri ng mga elemento ng pananalita.

ano na ang mitolohiya ngayon sa pilipinasBukod riyan ay malaking tulong ito sa pag-intindi ng kasaysayan ng isang pook, rehiyon o bansa, dahil nga, sa isinasalamin nito ang kabuhayan noong panahong ito ay ginawa.

Ito rin ay madalas na gamiting basehan sa mga pelikula at kung ano-ano pang palabas, tulad na lamang ng mga sumusunod:

  1. Troy, Clash of the Titans at Percy Jackson na ibinase sa Mitolohiya ng Griyego at Roma
  2. Naruto at Spirited Away sa Mitolohiya ng Hapon
  3. Zodiac: The Race Begins at The Little Fairy sa Mitolohiya ng Tsina
  4. Amaya, Mulawin, Aswang at Bagani ng Mitolohiya ng Pilipinas

Ang Mitolohiya ng Iba’t-bang Bansa

Maraming mga bansa ang mayroong sari-sariling mitolohiya. Mayroon silang kani-kanilang bersyon ng diyos at diyosa, diwatas, engkanto at iba pa.

Mitolohiyang Pilipino

Dahil ang ating bansa ay binubuo ng napakaraming mga isla, nagkaroon ng maraming bersyon din ang mga mito.

Sa mga bisaya, ito ang kanilang kwento ng pagkakabuo ng daigdig at ng sanlibutan. Pinaniniwalaan ng mga Pilipino na noong unang panahon, walang lupa, araw, buwan or bituin.


Ang mayroon lamang ay karagatan at kalangitan. Ang kaharian ng tubig ay pinamumunuan ni Maguayan, habang ang kalangitan naman ay pinaghaharian ni Captan.

Si Maguayan ay mayroon anak na si Lidagat, habang si Captan naman ay may anak na lalaking si Lihangin. Napagkasunduan ng dalawang diyos na mag-isang dibdib ang kanilang mga anak.

Ang dalawang mag-irog ay pinagkalooban ng apat na anak, sila Licalibutan, Liadlao, Libulan at ang nag-iisang babaeng si Lisuga.

Hindi naglaon, namatay si Lihangin, kaya naiwang namuno si Licalibutan sa kaharian ng hangin. Hindi nagtagal, namatay rin si Lidagat, kaya naiwang nag-alaga sa mga anak sila Maguayan at Captan.

ibat ibang mitolohiya sa pilipinas mga halimbawa nitoIsang araw, napagpasyahan ni Licalibutan na hamunin si Captan. Kinumbinse niya ang kanyang mga kapatid na umanib sa kanya. Pumayag ang mga ibang kapatid na lalaki sa plano. Dahil hindi nila mabuksan ang mataas at matibay na tarangkahan, ginamit ni Licalibutan ang pinakamalakas na hangin.

Nang magbukas ito, dali-daling pumasok ang mga magkakapatid, ngunit nakita sila ni Captan. Kumaripas ng takbo ang tatlong magkakapatid, ngunit tinamaan parin sila ng kidlat galing kay Captan. Namatay ang tatlong magkakaptid.

Napansin ni Lisuga na wala ang kanyang mga kapatid, kaya pumunta siya sa kalangitan upang sila ay hanapin. Ngunit nasalubong niya ang nagagalit na si Captan at siya din ay binato niya ng kidlat.

Bumaba si Captan at tinawag si Maguayan tungkol sa nangyari at inakusahan siya na balak niyang sakupin ang kalangitan. Pinagtawanan lang siya ni Maguayan at sinabing tulog siya sa ilalim ng karagatan. Doon na nag-iyakan ang dalawang diyos nang napagtanto nilang wala na ang kanilang mga apo.

Gamit ang kanilang mga kapangyarihan, ginawan nila ng alala ang bawat apo. Halimbawa, si Liadlao ay naging ang araw, si Libulan ang naging buwan at si Lisuga ang nagging mga bituin. Si Licalibutan naman ay ginawang isla kung saan tumubo ang kawayan na siyang pinanggalingan ng unang tao sa mundo.

Mitolohiyang Griyego

Kilala ang mitolohiya ng mga Griyego sa buong daigdig dahil popular itong ginagamit na basehan ng mga pelikulang tumutokoy sa mga Diyos at iba pang mga makapangyarihang nilalang. Sa kanilang mitolohiya, mayroong mga nilalang na ang tawag ay Titan. Sila ang mga mas nakakataas sa mga Olympians.

Ilan sa mga Titans ay sila Oceanus, Hyperion, Tethys, Theia, Crius, Iapetus at Prometheus. Ang mga diyos naman ay sila Zeus, Hera, Poseidon, Demeter, Hades at Hestia, Apollo, Artemis, Athena at iba pa.


Ang bawat makapangyarihang nilalang na ito ay may kanya-kanyang karakter na bumabagay sa kung ano ang kanilang kapangyarihan. Halimbawa nito ay si Ares, ang Diyos ng Digmaan. Walang ginawa ang diyos na ito kundi magtanim ng poot sa damdamin at gulo sa isipan ng mga tao.

Ang bawat diyos ay may sari-sarili rin paboritong mga bayan sa Gresya, tulad na lamang ng Athens na paborito ni Athena at Sparta ni Ares. Mayroon silang mga kanya-kanyang ribulto at mga pook sambahan sa kanilang “patron city”.

Bukod sa mga Titans at Olympians, mayroon ding mga tinatawag na demi-god, o mga taong may dugong diyos. Ang mga pinakasikat na demi-gods ay sila Hercules, Perseus, Achilles, Orpheus, Hippolyta, Helen of Sparta, at Theseus.

Ang bawat mito ng mga Griyego ay punong-puno ng kwento ng pakikipagsapalaran. Ito ay maaaring dahil sa pakikidigma din ng bansa sa mga ibang nasyon upang mapalawak ang kanilang teritoryo.

Sabi ng mito ng Griyego, ang sinaunang mundo ay punong-puno ng kaguluhan, kamatayan at kadiliman. Ang tanging nilalang lamang noon ay sila Erebus, ang Gabi at ang Kamatayan. Hanggang sa isinilang si Nyx, isang malaking ibong may pakpak na itim.

Si Nyx ay nagluwal ng isang gintong itlog. Kanya itong inalagaan at inantay na mabiyak. Nang ito ay nabiyak, lumabas ang Diyos ng Pag-ibig na si Eros. Ang bawat kalahati ng balat ng itlog ay napunta sa langit at nagbunga kila Uranus and Diyos ng Kalawakan at si Gaia, and Diyosa ng Daigdig.

Nagkaroon ng napakaraming anak at apo sila Uranus at Gaia. Lahat sila ay may mga kanya-kanyang kapangyarihan. Ang karamihan sa kanila ay takot sa kanilang mga angking galing. Isa rito ay si Kronus.

Para maprotektahan ang kanyang sarili sa kanyang mga mas makapangyarihang mga anak, kinain niya ang mga ito. Upang maprotektahan ang bunsong anak na si Zeus, binigyan ni Rhea ang kanyang asawa ng batong nakabalot sa damit. Nilunok ito ni Kronus.

Itinago ni Rhea si Zeus. Hanggang sa siya ay naging malakas at natutunan niyang labanan ang kanyang ama. Nagkaroon ng isang digmaan sa kalangitan. Nanaig si Zeus at ang kanyang mga nailigtas na mga kapatid.

mga kwentong griyego at mga mito nila pati nadin kahulugan kasamaInutusan ni Zeus ang mga kapatid ng kanyang Ama na si Prometheus at Epimetheus na pumunta sa daigdig upang gumawa ng mga hayop at tao. Dahil napamahal si Prometheus sa mga tao, ninakaw niya ang Apoy mula kay Haring araw. Tinuruan niya ang mga tao kung paano ito gamitin.

Nang malaman ni Zeus ang ginawa ni Prometheus, pinarusahan niya ito. Ikinadena si Prometheus sa bundok at hinayaan matuka ng mga buwitre hanggang sa lumipas ang walang hanggan. Nag-isip si Zeus ng paraan upang parusahan ang mga tao. Ginawa niya ito gamit ang isang kahon na kanyang ibinigay kay Pandora, ang asawang mortal ni Epimetheus.

Binilin siya na huwag bubuksan ang kahon kahit anong mangyari. Ngunit hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Nang binuksan niya ang kahon, lumabas ang sakit, inggit, at kasakiman na siyang kumakalat sa mundo hanggang ngayon.

Nagawang isara ni Pandora ang kahon sa tulong ng kanyang asawa, ngunit nakalabas na lahat ng masasamang elemento. Kinagabihan, may kumatok sa kahon at nagsabing buksan ang kahon. Ang nagsabi nito ay si Pag-asa, na siya namang patuloy na tumutulong sa mga tao ngayon.

Mitolohiya ng Romano

mito ng mga romano at katangian nitoAng mitolohiya ng Romano ay madalas maihambing sa mito ng Griyego. Ito ay dahil sa pagkakapareho ng mga kwento. Ang tanging pinagkaiba nila ay ang mga pangalan. Ito ang mga pangalan ng mga diyos at diyosa sa mito ng mga Romano at ang katumbas nila sa mito ng mga Griyego:

  • Saturn – Kronus
  • Jupiter – Zeus
  • Neptune – Poseidon
  • Venus – Aphrodite
  • Pluto – Hades
  • Vulcan – Hephaestus
  • Minerva – Athena
  • Diana – Artemis

Di katulad sa Mito ng Griyego, ang mga diyos sa Mito ng Romano ay walang sekswalidad. Bukod dito ay hindi rin pokus ng kanilang kwento ang kanilang mga pag-uugali. Wala rin silang pisikal na anyo. Sila lamang ay nakabase sa imahinasyon ng mga tao.

Sa Mito ng Romano, pinaniniwalaan nila na sa kabilang-buhay, hindi mahalaga kung anong kayamanan ang mayroon ang taong namatay. Ang mahalaga ay kung ano mga kagandahang loob na kanilang naibahagi habang sila ay nabubuhay pa sa lupa.


Ang kwento kung paano nabuo ang daigdig para sa mga Romano ay halos parehos din sa mga Griyego. Ayon sa kanila, bago nabuo ang mundo, dagat, at langit, isinilang ang kaguluhan. Hanggang sa may isang nilalang ang nagbago ng lahat.

Pinaghiwalay niya ang langit sa mundo at sinigurado niyang nagkaroon ng balanse sa lahat ng bagay. Bukod rito ay hinati niya ang daigdig sa limang parte base sa kanilang temperatura. Pinuno niya ang karagatan at kalupaan ng mga hayop.

Ginawa niyang pantay-pantay ang lahat nga mga nilalang sa daigdig. Ginawa rin niya ang tao. Ngunit, hindi katulad ng hayop na mababa ang ulo at laging nakayuko, ang tao ay nakatayo at laging nakatingin direcho, pinagmamasdan ang mundo.

Mitolohiya ng Tsina

Ang mito ng Tsina, tulad ng karamihan ng mga mito ng ibang bansa, ay mayroong mga naisasalaming bahagi ng kultura, tradisyon at kasaysayan ng kanilang bansa. Mayroon mang halong kababalaghan ay hindi mawawala ang pinagbasehan nilang katotohanan na ginagamit na basehan ng mga eksperto sa pag-aaral ng kasaysayan.

Sa pagbuo ng mundo at kalawakan, ang nakatala sa mito ng mga Tsino ay nag-umpisa ang kalawakan bilang isang magulong lugar. Ang kalangitan at ang kalupaan ay walang pinagkaiba, at ito ay ihinambing sa isang itim na itlog. Sa itim na itlog na ito ay sinasabing dito isinilang si Pangu na natulog ng 18,000 na taon, at sa buong oras na ito ay nabuo ang Yin at Yang sa itim na itlog na ito.


Nang magising siya, naisipan niya na siya ay nakulong sa itlog na ito kaya binasag niya mula sa loob nito at itinulak upang maghiwalay ito at nang siya ay makalabas na. Ang dakong itaas ng kanyang hinati ay naging kalangitan at ang ibaba naman ay ang kalupaan. Mula rito ay mayroon nang iba’t ibang bersyon ng kuwento ng pagkalikha sa mundo.

Nasabing mayroong tumulong sa kanya na nilalang. Sa iba’t-ibang bersyon, mayroong nagsabi na ito ay isang qilin, dragon, phoenix at pagong.

Matapos ang halos dalawampung-libong taon ay namatay siya at ang kanyang katawan ay ang naging bahagi ng kalupaan, at ang mga nakatirang organismo sa kanya ay naging tao. Mayroong bersyon din na nagsasabing mayroong diyosa na dumating at siya ang lumikha ng tao.

Kung sa Griyego mayroon silang Zeus, sa Tsino may katumbas siya na si Shangdi. Siya ang pinaka-importanteng conseptong panrelihiyon noong panahon ng Shang Dynasty.

magbigay ng mga halimbawa ng mito ng tsinaAng ginamit na salitang Intsik para sa kanyang pangalan ay nangangahulugang diyos, na parehong ginagamit na ngayon upang tukuyin ang Diyos na tinitingala ng mga Kristyano ngayon.

Ang kauna-unahang babaeng diyosa sa bansang Tsina ay si Nuwa. Siya ang mitolohikal na tauhan na kilala sa paglikha ng tao pagkatapos ng matitinding delubyo. Sa mga sumunod na kuwento na tungkol sa kanya ay nabanggit na mayroon na siyang asawang si Fuxi.

Si Nuwa ay kadalasang inilalarawan na mayroong katawan ng ahas at may ulo ng tao. Ayon sa mga mito na tungkol sa kanya at sa paglikha ng tao, si Nuwa ay naghulma ng mga tao gawa sa dilaw na putik.

Nang siya ay napagod sa kanyang ginagawa, nag lubog ng tali sa dilaw na putik at ito ay iwinasiwas at nagkalat. Ang mga kalat na putik ay sinasabing mga ‘commoner’ at ang mga nahulma ay ang mga may-kaya.

Mitolohiya ng Hapon

Dahil sa topograpikal na aspeto, mayroong pagkakapareho ang mga mito ng Tsina sa Hapon, isa na riyan ang mga tanyag na dragon na madalas na ginagamit na representasyon ng mga bansang ito.

Ang bersyon ng alamat ng mundo sa bansang Hapon ay nag-umpisa sa dalawang diyos at diyosa na galing sa kalangitan – si Izanagi at si Izanami.


Pinaniniwalaan ng mga Hapon noon na ang kanilang arkipelago ay nabuo nang ang dalawang Bathala ay nakatayo sa Ama-no-hashidate, na nangangahulugang tulay ng kalangitan patungong kalupaan.

Ang dalawang bathala ay gumamit ng isang sibat na mayroong mga mahiwagang bato upang hawiin ang karagatan. Nang matapos nilang i-ahon ang lupa, ang mga tumulong tubig mula rito ay bumalik sa karagatan.

Ang sinasabing unang isla na binuo nila ay ang Onogoroshima, na agaran nilang pinatayuan ng bahay at dito nila ginanap ang kanilang kasal. Sa iba’t ibang bersyon ng alamat, mayroong iba’t ibang mga ritwal na nabanggit dito. Halimbawa na riyan ay ang pag-iikot sa isang haligi, habang ang dalawang ikinakasal na diyos ay iikot sa magkaibang direksyon.

Dahil sa nagkamali si Izanami sa ritwal nito, ang kaparusahan na ihinatol sa kanilang mag asawa ay ang pagkakaroon ng anak na mahina, walang buto, at hindi kaaya-aya ang itsura, na naging patron ng mga mangingisda.

Ang sumunod na anak nila ay naging isla, at sila ay nagtanong sa kanilang mga magulang kung bakit nagkaganon ang kanilang mga anak. Ang nasabing dahilan ng kanilang mga kamalasan ay ang maling paraan ng kanilang ritwal sa kasal, kaya naman nila ito inulit at siniguradong wala nang pagkakamaling magagawa.

Matapos ang naulit na ritwal, nagkaroon pa sila ng marami pang anak. Sa dami ng kanyang inanak, ang huli dito ay si Kagutsuchi na diyos ng apoy. Sa isang bersyon ng mito ay nasunog si Izanami nang ipinanganak niya ang diyos ng apoy, at pinaniniwalaan din na madaming naisilang mula sa kanyang mga luha sa paghihirap dahil sa dami ng kanyang isinilang na mga diyos at diyosa.

Matapos siyang mamatay ay nagalit si Izanagi sa huli niyang anak na si Kagutsuchi at pinirapiraso siya gamit ang kanyang katana. Sa mga nagkapirapirasong katawan niya, ay may mga panibagong anito ulit na nagmula rito.

Ang mito ng mga Hapon ay napakaraming mga mitolohikal na nilalang. Ang pinakasikat diyan ay ang mga Tengu, na katunog ang isang uri ng Intsik na demonyo na mistulang aso, ang Tiangou.

maikling kwento tungkol sa mito ng haponBagkus magkatunog sila ng pangalan, at ang kahulugan din ng ginamit na salita sa Tengu ay hindi nalalayo sa kahulugan ng nilalang ng mito ng Tsina, ang Tengu ay inilalarawan na kalahating ibon at kalahating tao at maaring may mapulang mukha o mahahabang ilong.

Sila ay mayroong mga paypay na gawa sa balahibo ng ibon. Ang mga paypay na ito ay sinasabing may kakayahan na umihip ng malalakas na hangin.

Ang pinakamalaking pagkakapareho ng mito ng Hapon at Tsina ay ang pagkakaroon ng Apat na Tagapagtanggol, na ang bawat isa ay may katumbas na direksyon sa bruhula. Mas madalas makita ang mga rebulto nito sa Tsina subalit mayroon din ito sa mga Hapon, at parating magkasama ang apat. Narito ang apat na tagapagtanggol.

Ang katumbas ng panahong tagsibol at ang direksyong silangan ay ang mga dragon. Ito ay iniuugnay sa elementong kahoy. Ayon sa mito ng parehong Tsina at Hapon, mayroong limang uri ng dragon.

  • Una, ang dragon sa kalangitan na nagbabantay ng mga kabahayan ng mga diyos at diyosa.
  • Ikalawa, ang mga dragon na nagmamanipula ng hangin at ulan at maaring magumpisa ng baha.
  • Ikatlo, ang mga dragon na naglilinis ng mga ilog at karagatan
  • Ikaapat, ang mga dragon na nagbabantay sa mga kayamanan
  • At ikalima, ang mga imperyal na dragon na may limang daliri, hindi tulad ng pankaraniwang apat lamang.

Kontra sa paniniwala ng mga taga-kanluran, ang mga dragon ay malalakas at taga pagdala ng mabuting kapalaran at kayamanan.

Sa Timog ng bruhula, ang bantay nito ay isang pulang ibon na tinatawag na tinatawag na Suzaku na nangangahulugang “vermillion Chinese Phoenix”. Ito ay iniuugnay sa apoy at sa panahon ng tag-araw. Kadalasan ay ipinapares ito sa dragon.

Sa kanluran naman, ang sinasabing bantay ay isang puting tigre na tinatawag na Byakko. Siya ay iniuugnay sa panahon ng taglagas at sa elementong bakal. Sa mga Tsino, ang tigre ang tinitingalang hari ng lahat ng hayop at ng mga kabundukan.

At sa hilaga naman, ang bantay dito ay ang Genbu na isang pagong na may kasamang serpyente. Iniuugnay ang tag-lamig at katubigan sa bantay na ito.

Sinasabi na mayroong katumbas ang Genbu sa Buddhismo na si Tamonten. Siya ay kinikilalang ang Itim na Mandirigm o kaya’y Bishamonten, at eksaktong kapareho niya ang isinisimbolo at iniuugnay ng Genbu.

Konklusyon

Maaaring kathang-isip lamang ang mga mitolohiya, ngunit taglay nang mga kwentong ito ang mga aral at gabay na ginamit ng ating mga ninuno.

Masarap aralin ang mitolohiya ng iba’t-ibang nasyon dahil binibigyan nila tayo ng tsansa na makilala ang kani-kanilang kultura at masulyapan ang kanilang paniniwala at relihiyon.

Ang mga mito ang siya ring nagbibigay daan upang mapagkonekta natin ang sinaunang panahon sa makabagong taon.

Napakarami pang mito sa buong daigdig tulad ng sa mga Hindu, Ehipto, Norse, Korea, Alemanya, Keltiko, Finiko at Aprikano.

Maaaring may malaking pagkakaiba sa mga mito, ngunit kung papansinin mo ay pare-pareho lamang nilang gustong bigyang pokus ang pagpapahalaga ng tao sa pagtuklas kung saan sila nangaling at kung saan pa sila pwedeng magtungo.