Saan Matatagpuan Ang Fertile Crescent

ang lokasyon ng fertile crescentAng Fertile Crescent (ang Matabang Gasuklay) ay isang rehiyong gasuklay ang hugis na mayroong mataba at mahalumigmig na lupa. Ito ay tinaguriang “Duyan ng Sibilisasyon” dahil dito nag umpisa ang mga sibilisasyong mayroong malalaking kontribusyon sa ating kaalaman ngayon. Ang rehiyong ito ay ang isa sa mga malalaking dahilan kung bakit maunlad ang mga sinaunang kabihasnan.

Lokasyon ng Fertile Crescent

Ang Fertile Crescent ay katabi ng mga bansang Iraq, Syria, Lebanon, Cyprus, Jordan, Israel, Ang Estado ng Palestine, at Ehipto, pati na rin ang Turkey at Iran. Ang kalahating bilog na ito ay nakaharap patimog. Ang kanlurang bahagi naman ay katabi ng timog-silangan ng dagat ng Mediterranean, samantalang ang sentro naman nito ay direktang norte ng Arabia, at ang silangang dulo ng rehiyong ito ay nasa hilaga ng Gulpo ng Persia.

Sa kanluran nito ay matatagpuan ang ilog ng Nile ng Ehipto, at sa silangan naman ay ang mga ilog ng Tigris at Euphrates. Ang pinagitnaang lupa ng mga ilog ng Tigris at Euphrates ay tinatawag ng mga Griyego noon na “Mesopotamia”, na pinagsamang salitang Griyego na “mesos”, na nangangahulugang “gitna” at “potamos” na ibig-sabihin ay ilog. Ang Mesopotamia, na matatagpuan sa loob ng Fertile Crescent, ay ang pinakamagandang pagtaniman dahil ang lupa dito ay malagihay dahil sa dalawang ilog na pumapagitna dito.

Kahalagahan

Ang rehiyong ito ay may malaking papel sa maagang pagunlad ng mga sinaunang sibilisasyon. Bukod sa ito ay nagsilbing bukiran sa mga sibilisasyon na malapit o nasa Fertile Crescent, ito rin ang nagsilbing tulay ng Africa, Europa at Asya.


Ang kanyang pagiging tulay sa mga kontinente ay ang siyang dahilan ng kung bakit napanatili ng Fertile Crescent ang kanyang biodiversity, na isang dahilan kung bakit dito napili na manirahan ng mga sinaunang sibilisasyon.

mga sinaunang tao sa fertile crescentBukod sa mga naidulot nitong mabuti sa mga sinaunang tao, ang rehiyon ng Fertile Crescent ay lugar kung saan maraming natagpuang mga artepakto ang mga arkiyologo, na naging daan upang mas maunawaan pa natin nang mabuti ang kasaysayan ng sankatauhan.

Dito nag-umpisa at nakinabang ang mga sibilisasyong nag imbento ng salamin at gulong, at nagsimula ng agrikultura, pagsulat, at ang paggamit ng irigasyon.

Ang Fertile Crescent ay napakahalaga, mula noong unang panahon pa lamang, hanggang ngayon. Ito ang dahilan kung bakit nag-umpisa at mabilis umunlad ang mga sibilisasyon na nagbigay sa atin ng ideya, at nagpaliwanag sa atin kung paano nag umpisa ang pag-unlad ng teknolohiya, at paraan ng pamumuhay bago pa naimbento ang mga ito. Kaya nga naman ito ay tinawag na “Cradle of Civilization.”