Ang mga ala-ala ng ating kabataan lalo na sa ating buhay sa high school ay isa sa mga pinakamasarap na balik-balikan at sariwain.
Lahat tayo ay halos nakatungtong sa sekondaryang antas ng paaralan. Ito yong mga panahon na kung tawagin tayo ay mga “teenager”.
Mga panahon ng ating buhay na puno ng mga kasiyahan, harutan at minsan naman ay punong-puno ng mga mabababaw na ka-dramahan sa buhay.
Sa high school mo naranasan kung paano makaramdam ng paghanga at pagkabighani sa iyong mga kapwa mag-aaral. Ang mga iba ay laro lamang at kusa ring lumipas.
Mayroon namang mga iba na sadyang tumagal at tuluyang nagmahalan ng pang habang buhay. Sa panahon rin na ito ko natagpuan at nakilala ang mga tunay kong mga kaibigan.
Hindi ko ikinahihiya na sa high school rin ako natutong maging suwail at mag rebelde sa aking mga matatapang na mga guro. Nagliliban kami sa klase tuwing oras ng mga asignatura na ayaw namin.
Ngunit sa pagiging mga suwail naming mga estudyante ay natuto kaming mag-aral sa aming mga sari-sariling pamamaraan. Dito ko natutunan kung paano maging isang tunay na lider. Isang taga-pangulo na marunong umunawa at makinig sa damdamin ng aking kapwa.
Ipinakita namin sa aming mga guro na kaakibat ng aming mga sentimento sa kanila ay ang aming pagpapakita kung gaano kami ka responsable lalo na sa aming mga asignatura.
Hinding-hindi ko makakalimutan ang aking buhay sa high school. Habang buhay kong babaunin ang mga nakakatuwang mga ala-ala na nagbibigay sa akin ng mga inspirasyon sa buhay.
Mga yugto ng aking pagkatao na kung kelan minsan ako ay naging isang “teenager”. Isang batang mapusok, masaya, lider, palaban at higit sa lahat nahubog na maging isang mabuting tao na kapakipakinabang ng aking lipunanan.