Ang suliranin tungkol sa droga ay hindi lamang isang panloob na usapin sa ating lipunan. Ito ay laganap rin sa ating mga karatig na bansa sa Asya at maging sa mga iba pang mauunlad na bahagi ng mundo gaya ng Europa at ang Estados Unidos.
Ang droga ay kaakibat na ng sistema ng bawat lipunan, mahirap man o mayaman pa ito. Kabilang ito sa mga suliraning pang-global na kahit anong gawin ay mahirap sugpuin.
Dito sa ating bansa ang problema sa droga noong mga nakaraang taon ay masasabi nating payak at simple lamang na uri ng suliranin. Marijuana, solvent at mga gamot para sa ubo ang karaniwang gamit ng mga taong lulong noong panahon na iyon.
Kadalasan sa mga gumagamit noon ay mayroong kaya sa buhay, mahal kasi ang bilihan ng droga at konti lamang. Hindi ito masyadong pinagtutuunan ng pansin ng ating lipunan. Ngunit sa pagdaan ng mga taon at lomobo na ang bilang ng tao, bumaba na rin ang antas ng pamumuhay, lumaganap ang gutom at tag-hirap at naging maka-mundo at nahilig sa mga materyal na bagay ang karamihan sa mentalidad ng tao sa lipunan. Dahil dito ay natuto ang mga tao na kumita sa mabilis na pamamaraan at ang isa dito ay ang kalakaran o pagbebenta ng droga.
Naglabasan sa ilegal na merkado ang iba’t-ibang uri ng droga. Andiyan ang cocaine, shabu, ecstasy at mga likido na tinutusok sa katawan. Hindi na lamang mga may kaya ang lulong ngayon. Wala ng pinipiling kasarian, edad, at estado ang mga adik sa lipunan.
Ang mga iba ay sumusubok lamang, ang mga iba naman ay gustong makalimot ng pansamantala sa realidad at hirap ng buhay. Mga sari-saring kuwento at kadahilanan na sa totoo ay mahirap intindihin at unawain. Naging kaliwa’t kanan ang bentahan, at kasabay nito ay ang walang humpay rin na patayan na nangyayari sa ating kapaligiran.
Mayroong mga nanlalaban at napapatay at mayroon namang sadyang sumusuko. Ang pinakamasaklap ay maraming inosenteng mga tao ang nadadamay. Sa mga di inaasahang pagkakataon na may mga musmos pa na namamatay dahil sa mga sunod-sunod na operasyon na ginagawa ng ating kapulisan.
Sa aking opinyon at pananaw wala ng solusyon ang suliranin ng ating pamahalaan tungkol sa droga. Mistula na itong kanser na habang buhay ng kikitil sa sistema ng ating bansa. Marami ang namamatay dahi sa usaping ito, mga maliliit at komon tao, pero ang mga ugat ng suliranin ay hindi kayang puksain ng ating gobyerno. Sadyang mayroong maraming butas ang ating batas. Nakapiring man itong tignan pero halata mo na mayroon itong kinikilingan.
Paraan Upang Maiwasan Ito Ng Mga Kabataan
Para sa ating mga ordinaryong mamamayan hinihikayat ko kayo na makibahagi at gawing ang nararapat bilang isang responsableng mamamayan. Umpisahan natin ang pagpapalaganap ng disiplina at takot sa ating mga anak sa loob mismo ng ating bawat tahanan. Ang batang busog sa aral at pagmamahal ng mga magulang ay malayong mapapariwara sa buhay. Huwag nating konsentihin ang mali na nakikita natin.
Ang problema sa droga ay hindi lamang suliranin ng ating gobyerno.Ang bawat isa sa atin ay may obligasyon. Huwag nating hayaan na darating ang panahon na mapapasama ang sinuman sa ating pamilya sa datos ng mga taong lulong at pinapatay ng dahil sa droga. Makuntento na tayo kung ano ang mayroon at huwag maghangad pa ng mga bagay na hindi naman natin kaya.
Mahirap humusga at maging eksperto, dahil sa kung ano ang kadahilanan ng mga nagtutulak at mga adik ay tanging sila-sila na lamang ang nakakaalam. Mag-isip sana tayo kung ano ang ating maitututlong sa ating gobyerno sa halip na maghihintay tayo kung ano ang maibibigay nito sa atin.