Teksto

Isa sa mga mabisang paraan upang matuto ng mga bagong kaalaman ay sa pamamagitan ng pagbabasa. At mga mga babasahin, tulad ng aklat at mga pahayagan ay nagtataglay ng mga teksyo.

Ano ang Teksto?

Tinatawag na teksto ang mga pangunahing salita sa anumang babasahin na nagtataglay ng iba’t ibang impormasyon. Maaari din itong nagbibigay ng mensahe o damdamin ng sinuman sa paraang pasulat o nakalimbag.

Matutukoy ding teksto ang orihinal na mga salita o pahayag ng isang awtor sa isang dokumento kabilang ang kaniyang mga paliwanag, puna, pagsasalaysay ng karanasan, paglalarawan ng mga bagay, pagbibigay ng pagtataya o paglalahad ng impormasyon o pag-aanalisa.

Sa akademikong uri ng pag-aaral, ang teksto ay maaari ding sumaklaw sa ilan pang isinusulat na akda katulad ng mga pelikula, programa sa telebisyon, awitin, patalastas, at iba pang nakalimbag na paalala.

Iba’t Ibang Uri ng Teksto

May iba’t ibang uri ng teksto ayon sa impormasyon o mensaheng nais nitong ibigay sa mambabasa. Ang ilan ay ang mga sumusunod.

Tekstong Impormatibo

Layunin nitong magbigay ng konkretong impormasyon tungkol sa isang tao, bagay, lugar, hayop, o pangyayari. Sinasabing ‘objective’ ang mga tekstong impormatib dahil walang halong anumang opinyon ang pagsasalaysay sa uri ng tekstong ito. Kabilang sa mga ito ay ang mga kuwentong nagsasalaysay ng mga tunay na pangyayari at mga babasahing mayroon tayo sa paaralan tulad ng mga teksbuk o batayang aklat. Kadalasang sinasagot nito ang mga tanong na ano, sino, at paano.

5 Halimbawa ng Tekstong Impormatibo

  1. Sampaguita ang pambansang bulaklak ng Pilipinas.
  2. Si Catriona Grey ang itinanghal na Miss Universe 2018.
  3. Mapapanood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo ng gabi.
  4. Nagpunta sina Marian at Dingdong sa kaarawan ni Karylle.
  5. Pinasimulan ng pamahalaang Duterte ang laban kontra iligal na droga.

More Info: Karagdagang Halimbawa, Kahulugan at Mga Uri ng Tekstong Impormatibo.

Tekstong Deskriptibo

Isa namang uri ng naglalarawang babasahin ang tekstong deskriptiv o deskriptibo. Ito ay nagtataglay ng mga impormasyong may kauganyan sa katangian ng mga tao, hayos, bagay, lugar, at mga pangyayari. Dahil naglalarawan ang mga tekstong deskriptib, mayaman ang mga ito sa mga pang-uri at pang-abay. Maaari din itong maging tekstong nagpapahayag ng pagkakatulad o pagkakaiba ng mga bagay. Ito rin ay isang paraan ng masining na pagpapahayag ng paghanga sa ilang bagay.

5 Halimbawa ng Tekstong Deskriptibo

Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng tekstong deskriptiv.

  1. Mahalimuyak ang mga bulaklak sa hardin ni Aling Martha.
  2. Napakabilis umiyak ng batang si Marco kapag inaasar.
  3. Tila isang abandonadong lugar ang kaniyang silid dahil sa sobrang dumi.
  4. Kumukutitap na ang mga ilaw sa napakagandang bahay nina Jonas.
  5. Malulusog at masasarap kumain ang pamilya Sanchez.

More Info: Karagdagang Halimbawa, Kahulugan at Mga Uri ng Tekstong Deskriptibo.

Tekstong Naratibo

Isang uri naman ng teksto na nagsasalaysay ng serye ng mga pangyayari ay ang tekstong narativ o naratibo. Katulad ng tekstong impormatib, ang layunin ng tekstong naratibo ay magbigay ng impormasyon. Ang kinaibahan lamang, ito ay nakatuon sa kung paano nangyari ang mga tagpo, kompleto sa panahon, tagpuan, at mga tauhan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga talambuhay, anekdota, o epiko. Maaari din itong piksyon at di piskyon.

5 Halimbawa ng Tekstong Naratibo

  1. Ipinanganak si Jose P. Rizal noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna. Kinitil siya ng mga Espanyol noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan.
  2. Ipinalabas noong Hulyo 31, 2019 ang pelikulang Hello, Love, Goodbye na pinagbibidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo. Ito rin ang itinanghal na pinakapinanood na pelikulang Pilipino sa kasaysayan.
  3. Nagtapos ng pag-aaral si Alyssa Valdez sa Ateneo de Manila University. Ngayon ay naglalaro siya para sa Creamline Cool Smashers at Philippine National Team.
  4. Matapos ang halos dalawang dekada sa GMA Network, lumipat na sa ABS-CBN si Regine Velasquez. Naganap ang contract signing niya noong Oktubre 2018.
  5. Naganap daw ang pambubugbog ni Alyas Linda sa kaaawa-awang matanda gabi ng Miyerkules habang nakasakay sila sa dyip. Ngayon ay nasa radio show na ni Tulfo ang kaso.

Tekstong Prosidyural

May uri naman ng teksto na nakatuon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari o mga hakbang sa paggawa ng mga bagay. Ito ay tinatawag na tekstong prosidyural. Kilala rin bilang teksto ng pagkakasunod-sunod, sumasagot ito sa mga tanong na paano—paano nabubuo ang isang bagay, paano iluto, paano isinasagawa ang isang proseso, o paano naganap ang isang pangyayari.

5 Halimbawa ng Tekstong Prosidyural

  1. Ihalo ang itlog sa giniling at haluin gamit ang ispatula. Haluin nang maigi at ihulma nang pabilog gamit ang mga kamay.
  2. Hatiin sa apat ang papel at gupitin nang maliliit na piraso. Idikit ito sa isang malinis na bond paper upang makabuo ng mosaic.
  3. Pumunta sa website ng DOLE at hanapin ang forms. I-click ang complaints form at i-download ito. Punan ang mga patlang at ipadala sa e-mail ng DOLE.
  4. Pindutin ang windows icon at i-type sa search bar ang Microsoft Office. Piliin ang Word at maaari nang gumawa ng dokumento.
  5. I-click ang rescan at hintaying matapos ang search. I-refresh ang device at maaari nang mapanood ang paborito mong TV channel.

Tekstong Persweysib

Ang tekstong persweysiv ang isang uri ng tekstong naglalayong manghikayat ng mga mambabasa. Ginagamit ito sa mga pahayagan, telebisyon, at radyo. Karaniwang ginagawa ang tekstong persuweysib upang mapukaw ang interes ng mga tao at maniwala sa sinasabi nito. Nagagamit ito sa mga advertisements o mga patalastas sa TV o radyo. Maaari din itong gamitin sa mga kampanya o pag-aalok ng mga serbisyo.

5 Halimbawa ng Tekstong Persweysiv

  1. Laking mahirap, may malasakit sa kapuwa. Laging maaasahan. Iboto! Juan dela Cruz para Mayor.
  2. Mas makapagpapaputi ng damit kaysa sa Brand X. Gumamit na ng Tide Clean Plus. Para sa puting walang katulad.
  3. Ang surf ay nagbibigay ng todong linis at todong bango. Surf with fabcon. Todo sa linis, todo sa bango.
  4. Kung barado na ang inidoro, lumapit na sa lagi ninyong malalapitan. Malabanan septic tank cleaner. Palaban sa bara.
  5. Gumamit nan g Eskinol with papaya extract. Para sa linis-kinis na walang katulad.

Tekstong Argumentatibo

Ito naman ay uri ng teksto na nakatuon sa paglalahad ng mga opinyon, paniniwala o kuro-kuro sa mga mahahalagang isyu o iba pang bagay. Katulad ng tekstong Persweysib, layunin din nito na manghikayat ng mga mambabasa. Gayunman, gumagamit ito ng mga argumento at mga pangangatuwiran. Karaniwang sinasagot ng mga tekstong argumentativ ang tanong na ‘bakit?’ Bagaman nais nitong makapaglahad ng damdamin, kailangan pa ring suportado ito ng katotohanan o facts.

5 Halimbawa ng Tekstong Argumentatibo

  1. Dapat nang itigil ang laban kontra droga ng administrasyong Duterte dahil marami nang mga inosenteng buhay ang nadadamay.
  2. Maraming Pilipino ang nakararanas ng hirap dahil sa angking katamaran at hindi dahil walang oportunidad dito sa bansa.
  3. Para mapanatiling maayos at malinis ang mga karagatan at ilog, kinakailangan nang tanggalin ang mga illegal settlers sa paligid ng mga ito.
  4. Nararapat lamang na parusahan ng mga magulang ang mga anak nilang pasaway upang maturuan ng displina at maging mabuti.
  5. Hindi totoo ang mga nanghuhula sa Quiapo dahil lumabas sa pag-aaral ng mga eksperto na raket o modus lamang ito ng mga manloloko.

Tekstong Humanidades

Kapag sinabing humanidades, tumatalakay ito sa disiplina sa pag-aaral na tumutukoy sa mga sining na biswal kabilang ang mga pinta, awitin, arkitektura, dula, sayaw, o anumang akdang pampanitikan. Sa madaling sabi, ang tekstong humanidades ay isang uri ng teksto na tumatalakay sa opinyon, nadarama, adhikain, o pangamba ng isang tao sa mga akdang nabanggit.

5 Halimbawa ng Tekstong Humanidades

  1. Ang kantang Anak ni Freddie Aguilar ay salamin ng realidad ng buhay ng mga pamilya. Mayroong mga pinagdaraanang pagsubok ang bawat pamilya ngunit nagsisisi rin sa huli.
  2. Ang wikang Filipino ay yaman ng bansang Pilipinas. Ito ang nagiging pakakakilanlan ng mga Pilipino saanmang panig ng mundo kaya naman nararapat lamang itong pagyamanin.
  3. Nakaka-emo ang kantang ‘Will You Ever Learn’ ng bandang Typecast. Sinasalamin nito ang lahat ng bigat sa damdamin ng isang taong may pinagdaraanan sa buhay.
  4. Ang Oblation na iskultura sa University of the Philippines ay nagpapakita ng kalayaan sa pag-iisip, pagpapahayag ng opinyon, at kalayaang matuto ng isang tao.
  5. Ang palabas na The Gift ni Alden Richards ay isang patunay na walang pinipiling kapansanan upang maging kapakipakinabang na bahagi ng lipunan.

Tekstong Propesyonal

Ang uri naman ng tekstong ito ay isang komprehensibo at organisadong pagkakalahad ng mga impormasyong isinulat ng isang may-akadang mayroong mahusay at sapat na kaalaman tungkol sa isang paksa. Kumbaga, isang pagsasaliksik itong ginawa ng isang tao mula sa isang larangan at inilimbag sa isang uri ng babasahin o dokumento. Hindi maligoy at direkta ang paglalahad ng mga impormasyon sa tekstong propesyonal. Layon lamang nitong magbigay ng isang konkretong pag-aaral at kaalaman tungkol sa isang paksa at hindi ang bigyan ng aliw ang mga mababasa. Kilala rin ito bilang tekstong akademiko.

5 Halimbawa ng Tekstong Propesyonal

  1. Ang sakit na dengue ay nakukuha mula sa mga lamok na aedes aegypti. Naisasalin ang virus kapag nakagat ng lamok ang isang tao. Maaaring magkalagnat, magkapantal, o sumakit ang tiyan kapag dinapuan ng dengue fever.
  2. Ayon sa pag-aaral ng mga eskperto sa kalusugan mula sa United Kingdom mas mahaba raw ang life expectancy ng mga taong mabibilis lumakad dahil mas aktibo raw ang mga ito kaysa sa mga mababagal maglakad.
  3. Isang senyales daw na mas matlino ang isang tao kapag mas makalat ang lamesa nito sa trabaho. Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, mas lumalabas daw kasi na mas malikhain at mas madiskarte ang mga magugulo ang lamesa kaysa sa mga organisado.
  4. Mas alerto raw ang mga late gumising at matulog kaysa sa mga maaagang matulog dahil lumabas sa pag-aaral na mas kaya nilang gumawa ng mga bagay nang mas matagal. Hindi raw umano inaantok agad ang mga ito at kayang tumagal sa mga gawain.
  5. Ipinahayag ng journalist na si Kara David na sa pagsusulat daw ng balita, kailangan ang matinding pokus sa mga detalye at impormasyon. Kailangan daw malaman ang mga mahahalagang detalye na dapat ilagay sa isang balita.

Mga Katangian ng Teksto

Binubuo ang katangian ng teksto ng mahahalagang elemento. Kabilang dito ang pagtataglay ng mga mahahalagang impormasyon o datos. Katangian din nito ang maayos na pagkakasulat ng mga impormasyon kabilang ang pagkakasunod-sunod nito. Mayroong diwa o kaisipan din ang mga teksto at mayroong nais ipahiwatig.