Sa mga kuwentuhan at mga tekstong nababasa natin sa iba’t ibang babasahin, hindi maaaring walang bahagi kung saan inilalarawan natin ang isang tao o bagay. Ito ang dahilan kung bakit naisusulat ang tekstong deskriptibo.
Ano ang Tekstong Deskriptibo?
Sinasabing ang teksto ay deskriptibo kung ito ay uri ng tekstong naglalarawan. Naglalaman ito ng impormasyong ginagamitan ng mga salitang pantukoy sa katangian ng isang tao, bagay, hayop, lugar, o pangyayari. Mayaman sa mga salitang pang-uri o pang-abay ang mga tekstong deskriptibo. Nakatutulong kasi ito sa malinaw na pagtukoy sa mga katangian.
Isang mabisang paraan ng paggamit ng mga tekstong deskriptibo ay ang pagtaya sa impresyon ng isang tao o nadarama nito. Maaari din namang pairalin ang pang-amoy, panlasa, pandinig, pansalat, o maging ang kabuuang karanasan ng isang tao sa isang pangyayari. Karaniwan ding tumutugon ito sa tanong na ‘ano.’
Related: Teksto – Mga uri, Halimbawa at Kahulugan.
10 Halimbawa ng Tekstong Deskriptibo
Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng tekstong deskriptiv
- Matamis ang malaking manggang dala ni Julie mula sa malayong lalawigan ng Cebu.
- Magaling umawit ang batang si Lyca kaya naman siya ang nanalo sa malaking patimpalak.
- Iginagalang ng mga mag-aaral si Gng. Santos dahil magiliw itong guro at mataas magbigay ng marka.
- Magaspang ang papel de liha na nahawakan kong laman ng kahong iyon.
- Sadyang napakalawak ng hardin nina Alice at napakaraming ring makukulay na bulaklak.
- Iniiwasan si Jessa ng kaniyang mga kalaro dahil maraming kuto ang bata.
- Mabula ang nabiling sabon ni nanay kumpara sa mamamahaling brand na binibili niya noon.
- Si Aling Susan ay ang matabang babae sa may kanto na laging naka-daster at nakasimangot.
- Paborito ko ang kantang ‘Ako ay Pinoy’ dahil maganda ang pagkakasulat sa liriko ng kanta.
- Paskong-pasko na sa bahay ng mga Alonzo dahil sa makukulay na palamuting nakasabit sa kanilang malaking gate.
Tatlong Uri ng Tekstong Deskriptibo
Nahahati sa tatlong uri ang mga tekstong deskriptiv ayon sa ginagamit at sinusunod na paraan ng pagbibigay katangian sa isang bagay, tao, lugar, o pangyayari.
1. Deskripsyong Teknikal
Ito ay naglalayong magbigay ng paglalarawang detalyado at gumagamit ng mga eksaktong salita sa pagbibigay ng katangian.
Halimbawa
- Tatlong piraso na lamang ng tsokolate ang laman ng pulang kahong ibinigay ni Benedicto.
- Si Aling Cora ay ang babaeng kulot ang buhok at mayroong tindahan ng school supplies sa kanto ng Mabini.
- Hinahanap niya si Josie, ang batang mula sa ikapitong baitang na ipinaglaban sa patimpalak sa pagsulat ng sanaysay.
2. Deskripsyong Karaniwan
Ito naman ay uri ng paglalarawan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyong pangkalahatan at marami tao o bagay ang nagtataglay ng ganoong katangian.
Halimbawa
- Si Benedicto ay mapayat na matangkad.
- Ang eskinita na iyon ay masikip, madilim, at mayroong hindi magandang amoy.
- Dumalaw ang isang kulot na lalaki sa anak mo kanina.
3. Deskripsyong Impresyonistiko
Ito ay pagbibigay ng paglalarawan sa pamamagitan ng pansariling pananaw, opinyon, o saloobin sa isang tao. Ito ay karaniwang iba sa kaniyang kapuwa at hindi itinuturing na lubhang totoo dahil ito subhektibong pananaw lamang.
Halimbawa
- Namamalditahan ako sa anak na panganay ni Aling Marta dahil ramdam kong hindi totoo ang kaniyang pagngiti sa atin.
- Minamalas ang mga taong iyan dahil hindi sila marunong magbigay ng biyaya sa kanilang kapuwa at madadamot sila.
- Naku, bagay na bagay talaga sina Alden at Maine dahil pareho silang mabait sa kanilang mga fans.
Layunin at Kahalagahan ng Tekstong Deskriptibo
Katulad ng ibang uri ng teksto, mayroong mahalagang layunin ang tekstong deskriptibo para sa mga manunulat at mababasa. Ito ay ang iparating ang katangian ng isang tao, bagay, hayop, pangyayari,o lugar. Ang pagkilala sa katangian ng mga ito ay nakatutulong upang mas matandaan ang mga ito.
Mahalaga ring pag-aralan at mabasa ang mga tekstong deskriptiv sapagkat malaking bahagi ng ating pag-unawa sa kapuwa ay pag-alam sa mga katangian nito. Kapag nalaman o natukoy ang katangian, magbubunga ito ng mas malawak na pang-unawa sa iba.