Tanong
Bakit nanaisin ng mga tao na isapelikula ang nobela?
Sagot
Karaniwang isinusulat ang mga obra maestra ng panitikan sa anyong aklat o nobela. Ito kasi ang pinakamabilis na lunsaran ng ideya ng isang manunulat na siya namang nakararating sa mga mambabasa nang agaran. Kung nakalimbag bilang isang aklat, kahit saan at kahit kailan ay maaaring mabasa ito ng sinuman.
Gayunman, marami pa rin ang nais maranasang mapanood bilang pelikula ang mga paborito nilang nobela. Kahit naaliw na sila ng mga nakasulat na linya sa isang aklat, ninanais pa rin ng iba na mabigyang-buhay sa mga sinehan ang nabasang nobela.
Unang dahilan dito ay nagiging makatotohanan ang nobela. Mula sa mga eksenang binubuhay lamang ng mambabasa sa kaniyang imahinasyon, ay magkakaroon ng konkretong pagsasabuhay sa pinilakang-tabing. Nalalapatan ng buhay ang magagandang linya ng mga aktor na siya namang nagbibigay katotohanan sa mga tauhang minahal sa noon ay nakasulat lamang na nobela.
Ikalawa, tuwing naisasapelikula ang mga nobela, tila isang senyales ito ng pagbibigay ng bagong kulay sa kuwento. Karaniwang nahahaluan ng mga ideya ng mga tao sa likod ng produksiyon ang pelikula na kapag napanood ng nakabasa ng orihinal na akda, ay mayroong bagong karanasang maibibigay sa kaniya kompara sa mga nakasulat sa aklat.
Panghuli, kapag naisasapelikula ang isang nobela, mas maraming tao ang maaaring makatuklas sa ganda ng akda. Hindi naman lahat ay mahilig magbasa ng nobela. Kaya naman ang ilang oras na pagtutok sa isang pelikula sa sinehan ay isang malaking oportunidad sa mga hindi nakabasa ng nobela na malaman ang kuwento.