Walang taong gustong maging mahirap, dahil mahirap ang maging mahirap. Ang antas ng tao sa buhay ay naayon sa sarili nitong pananaw. Ang bawat isa sa atin ay mayroong pagpipilian kung anong uri ng buhay ang gusto natin maging balang araw.
Wika nga ng isang kanta, “kung gusto ay may paraan at kapag ayaw ay may dahilan”. Para sa akin walang taong ipinanganak na nakatadhanang maghihirap.
Ginawa ng dakilang Lumikha ang buhay na talagang mahirap. Walang bagay na madali, lahat sa mundong ito ay pinagpapaguran muna bago mo ito makamtan. Karamihan sa atin ay mayroong mga negatibong pananaw sa buhay.
Halimbawa kapag ang magulang nila ay sadlak sa kahirapan at halos hindi na nakapag-aral, gagawin na rin nila itong basehan kung anong uri ng pamumuhay ang kahihinatnan nila sa hinaharap. Iwaksi at tigilan po natin ang ganitong gawain.
Matuto po tayong lumaban at pilit na baguhin kung ano ang hindi maganda na kinasasadlakan natin. Gumawa po tayo ng legal na paraan upang huwag ng tahakin ang landas na alam nating tutungo lamang sa kalunos-lunos na uri ng pamumuhay.
Ang karamihan sa bilang ng tao sa ating lipunan ay nasa mahirap na antas. Karamihan dito ay matatagpuan sa mga malalaking lungsod gaya ng Metro Manila. Sino ang itinuturing nating mga maralita sa Maynila? Mga Squatters. Saan galing ang mga ito? – sa probinsiya.
Simple at masarap ang mamuhay sa bayang kinagisnan, lalo na sa mga probinsiya. Payak ang pamumuhay, maging ng ating mga suliranin at gastusin at mga pangaraw-araw na pangangilangan. Huwag na po tayong makipagsapalaran sa isang lugar na kung saan tayo ay mga estranghero lamang.
Palaguin at pagyamanin natin kung ano ang mayroon tayo sa ating mga kanayunan. Hindi natin kailangang lumipat para umangat at maging sagana sa buhay. Ang ating ikabubuti ay nasa ating sarili.
Kung saan mayroong malalang kahirapan ay doon mo rin makikita ang talamak na kamangmangan. Ginagawa nilang sangkalan at dahilan ang pagiging mahirap upang hindi na mag-aral. Sa panahon po ng ating pamahalaan ngayon, ang edukasyon ay ginawa ng karapatan ng bawat indibidwal lalo na ng mga kabataan.
Ang pagpupunyagi at sipag na lang po ang ating kailangan na ipuhunan para tayo ay makaahon ng konti sa hirap ng buhay. Walang bagay na pilit na pinagsisikapan ang hindi natin makakamtan. Huwag nating tuldukan ang ating mga pangarap dahil lamang sa pagiging kapos sa buhay.
Gawin nating inspirasyon ang ating mga kahinaan para hindi na ito dadanasin pa ng ating mga susunod na anak. Iwasan ang panghihina ng loob bagkus ay tibay ng dibdib ang ating pairalin.
Para sa mga magulang na nandito sa okasyong ito, maging huwarang ehemplo po sana tayo sa mata ng mga bata. Magsilbi po tayong mga gabay at patnubay ng ating mga supling. Tumulong po tayo sa ating pamahalaan para hindi na masyadong lumobo ang bilang ng tao. Hikayatin po natin ang ating mga anak na mag-aral at turuan ng tamang disiplina at respeto.
Huwag po nating iasa ang kahihinatnan ng ating kinabukasan sa ating pamahalaan. Maging arkitekto at inhiyenero po tayo ng ating sariling pamumuhay.
Muli po at aking uulit-ulitin ang kahirapan ay hindi kailanman nakatadhana. Nasa inyo po ang desisyon kung saan ang daan na gusto ninyong tahakin sa buhay. Ang buhay ay parang sugal, matuto tayong dumiskarte at mag-isip. Alamin natin kung ano ang dapat at hindi nararapat.
Makuntento tayo kung ano ang mayroon tayo, ang mahalaga ay hindi ka nalilipasan ng gutom at mayroon kang nasisilungan. At ang pinakaimportante sa lahat huwag po tayong bibitaw sa ating mga pangarap at lagi po tayong mananalig sa ating dakilang Lumikha.
Ang taos puso ko pong pagbati ng magandang araw sa inyong lahat. Mabuhay po tayo.