Ang tao ay nilalang na may pinakamataas na antas ng kaanyuang pisikal at intelektwal. Dahil dito tayo rin ay nabiyayaang ng kakayahan na makapag-pahiwatig ng ating mga saloobin gamit ang sari-saring uri ng wika.
Wika na daan sa pagkakaisa, pakikisalamuha, pakikipagtalastasan at higit sa lahat, paglilinang ng katalinuhan ng buong sangkatauhan.
Ang bawat indibidwal ay nabibilang sa iba’t-ibang uri ng antas sa lipunang kanyang ginagalawan. Tandaan na walang parehong indibidwal ang mayroong eksakto o parehong uri o istilo ng pananalita. Nababatay ang pagkakaiba sa antas sa mga sumusunod na aspeto:
- Katayuan o estado sa buhay
- Edad
- Kasarian
- Grupo o pangkat etniko na kanyang kinabibilangan
- Antas ng natapos
- Kasalukuyang propesyon
- Pagiging dayuhan o lokal
Impormal na Wika
Mula sa pagsilang ng isang tao mayroon na tayong mga unang salita na natututunan. Nauuri ang mga salitang ito bilang mga impormal na wika. Ang impormal na wika ay kinabibilangan ng mga salita na karaniwang ginagamit na pang araw-araw.
Mga wika na kadalasan nating naririnig at ginagamit sa loob ng bawat tahanan. Impormal ang tawag natin sa mga salitang ito dahil hindi kailangan na pumasok sa isang paaralan para ito ay matutuhan.
Lalawiganin
Naayon ang wika na ginagamit ng isang indibidwal depende sa lugar na kanyang tinitirahan. Ang bawat probinsiya o rehiyon ay may sariling wika o lenggwahe na kanilang gingamit. Lalawiganin ang tawag sa mga salitang ito. Sa pamamagitan ng mga wikang lalawigan, ang bawat indibidwal na gumagamit nito ay nagkakaroon ng sariling tatak o pagkakakilanlan saan man dako sila mapadpad.
Gamit ng Lalawiganin na Wika
Kadalasang may ibang tono o punto ang istilo ng pananalita ng mga tao sa lalawigan o probinsiya. Ang bawat wikang lalawiganin ay may magkakaibang punto bigkas. Ito ang kanilang mga natatanging karakter na sadyang mahirap gayahin kung hindi ka taal sa isang lugar.
Halimbawa dito ay ang pagsasalita ng mga Ilonggo. Sadya silang malambing ang mga Ilonggo at halos hindi mo alam kung sila ay galit o naglalambing pa rin.
Andiyan rin ang mga taga Pangasinan. Pang galatok ang kanilang lenggwahe. Aakalain mo na para silang mga ibon kung magsalita dahil sa kanilang mabilis at madiin na pamamaraan ng pananalita. Kapag sila ay nagkukwentuhan akala mo sila ay nag-aaway lagi.
Halimbawa ng Lalawiganin na Wika
- Aahon ka ba? – Gamit ng mga Taga-Nueva Ecija tuwing magtatanong kung aakyat ba ng isang mataas na lugar (Halimbawa: Baguio at Tagaytay)
- Buang! – Madalas itong marinig sa telebisyon at sa radio ngayon dahil sa madalas na pagbanggit nito ng ating Presidente. Ang ibig sabihin ng buang at baliw. Ito ay ginagamit madalas ng mga Bisaya.
Balbal at Kolokyal
Mula sa mga wikang panlalawigan na sariling gamit, ang mga indibidwal ay natuto at gumgamit rin ng mga wilkang kolokyal at balbal. Ang mga wikang ito ay karaniwan na gingamit pang araw-araw ng mga ordinaryong indibidwal.
Ito ay kadalasang naririnig lalo na sa mga makabagong milenyal ng ating panahon. Sa mga matatanda sa lipunan, hindi masyadong tanggap ang ganitong uri ng mga salita dahil brutal at mayroong mga magaspang na kahulugan ang mga wikang kolokyal at balbal.
Gamit ng Balbal at Kolokyal
Sa mga kabataan lalo na yong mga tambay sa kanto, mabenta sa kanila ang mga salitang balbal at kolokyal. Sila-sila na rin mismo ang mga nag-iimbento ng bawat wika na kanilang mga ginagamit. Salitang kanto kung tawagin ito ng ilan.
Hindi man ito makikita sa ating mga diksionaryo ay sikat ito at patuloy na ginagamit sa sirkulasyon ng mga kabataan pati na rin mga iba pang mga tumatamambay sa kanto. Ang kanilang prinsipiyo sa, buhay ay hindi sila “in” o kabilang sa grupo kapag hindi sila marunong gumamit ng kanilang mga wika.
Halimbawa ng mga Salitang Balbal at Kolokyal na Ginagamit ng Milenyals
Noong mga naunang mga dekada, nauso ang pagbabaligtad nila ng mga salita tulad na lamang ng erpats at ermats na ibig sabhin at tatay at nanay. Ngayon, nakikita ang pagbabalik ng ganitong estilo ng mga pananalita tulad na lamang sa mga pauso sa telebisyon na “Lodi” at “Werpa”.
Buhat ng pag-usbong na pagbabaliktad ng mga salita, naririning ulit ang mga sumusunod:
- Erap o repapeps para sa salitang pare
- Tomguts kapag gutom naman
- Sugbo o “solve na” ang tawag naman nila pag busog na
Napakaarami pang mga ibang balbal na salita na minsan ay nakakainis at mahirap intindihin pero sa kalaunan ay nagiging bahagi na rin ng ating mga pananalita mapabata, matanda, babae man o lalaki.
Halimbawa ng mga Salitang Balbal at Kolokyal na Ginagamit ng Bakla
Ang gay lingo, at ang mga salitang konyo ay karaniwan rin nating naririrnig lalo na sa mga grupo ng mga bakla. Nauuri ang pananalita ng gay lingo ayon sa antas ng buhay na kanilang kinalakihan at kinabibilangan.
Mayroong mga gay lingo na talagang magaspang at brutal at mayroon namang mga medyo sosyal. Maging sa istilo ng kanilang pagbigkas ng mga gay lingo, iba ang mga pangmahirap at iba rin ang gamit ng mga mayroong kaya sa buhay.
Ang mga ibang gay lingo na wika ay may halo pang mga banyagang salita at mga karakter para lamang maiba ang dating ng kanilang mga salita.
- “Chaka chaka ng junakis mo.” – ang ibig sabihin nito ay ang pangit naman ng anak mo.
- “Naku baka ma Miss Colombia ka,” – Naalala mo pa ba ang pangyayari noong Miss Universe 2015, kung saan nagkamaling kinoronahan si Miss Colombia? Buhat noon ay nauso ang kasabihan na ito. Ang ibig sabihin ay baka magaya ka kay Miss Colombia na umuasa sa wala.
Halimbawa ng mga Salitang Balbal at Kolokyal na Ginagamit ng mga High School at Kolehiyala
At sino bang makakalimot sa mga salitang pinaghalong ingles at tagalog. Ang mga salitang ito ay naimbento ng mga nag-uusbungang grupo sa ating lipunanan. Karamihan sa mga imbentong salita ng mga grupong ito ay sumisikat ng matagal habang ang mga iba naman ay kusang naglalaho mula sa kanilang pang araw-araw na sirkulasyon. Halimbawa ng mga salitang ito ay girl, beshie, momshie, frennies at iba pa.
Mga Ibang Paraan ng Pagbuo ng Wikang Balbal at Kolokyal
Bukod sa pagbabaliktad ng mga salita, marami pang ibang paraan sa pagbuo ng mga salitang pabalbal. Halimbawa ay ang paghiram ng mga salitang banyaga tulad ng epek na galling sa salitang “effect” at na-futbol na ibig sabihin ay napaalis o napatalsik.
Isa pang popular na paraan ay ang pagbibigay bagong kahulugan sa mga ordinaryong salita gamit ang konotasyon tulad ng salitang buwaya na ginagamit para sa mga taong sakim.
Pormal na Wika
Sa ating paglipat ng lugar na ating ginagalawan at sa pag-angat ng ating mga estado sa buhay tayo ay natuto ng mas mataas pa na antas ng wika. Ito ay ang tinatawag na pormal na wika. Mga wikang ginagagamit at kinikilala sa ating alta sosyiodad. Lehitimo kung ituring ang mga salitang pormal.
Ginagamit ito sa loob ng mga paaralan, sa opisina, at halos sa lahat ng bahagi at ahensiya ng ating lipunan. Maging sa paglilimbag ng mga aklat, ito rin ang ating tanging gamit.
Tumataas ang kalidad ng mga wika na ginagamit ng bawat indibidwal naayon na rin sa antas ng katalinuhan at posisyon sa buhay. Nagiging mapanuri at mapili sila sa mga wika o salita na kanilang ginagamit. Lalo na yong mga propesyonal at may mga katungkulan sa lipunan.
Ang bawat organisadong grupo ng mga propesyonal ay may kanya-kanyang pormal sa wika na ginagamit, naayon na rin sa antas ng edukasyon na natapos nila. Halimbawa ay mga doctor mayroon silang mga pormal na wika na sila lamang ang nakakaintindi at nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng mga ito.
Pambansang Wika/Lingua Franca
Ang bawat bansa ay mayroong sariling wikang pambansa. Ito ay tatak na sumisimbolo at sumasalamin sa kung anong lahi at bansa nabibilang ang isang indibidwal. Ang bansang Pilipinas ay may pambansang wika – ito ay ang wikang Pilipino.
Bagamat binubuo ang bansang ito ng maraming kapuluan, rehiyon, probinsiya, bayan, siyudad at mga barangay, lahat ay nagkakaisa pa rin sa paggamit ng kanilang wikang pambansa.
Sa paglipas ng panahon at pagdaan ng iba’t-ibang salin lahi naging mas produktibo ang paggamit sa wikang pambansa. Andiyan ang pagkakaroon ng mga batas sa ating lipunan, na Pilipino ang dapat gamitin sa paglimbag ng mga aklat sa halos lahat ng mga asignatura sa paaralan, mapapubliko man o pribado. Layunin nito na maipreserba ang wikang pambansa at patuloy itong tangkilikin lalo na ng mga makabagong henerasyon.
Halimbawa ng Pambansang Wika
- Anak
- Asawa
- Ina
- Ama
- Sambayanan
- Experto
- Baliw
- Eskwelahan
- Pagsusulit
Pampanitikan
Maging sa larangan ng medya, radio man o telebisyon, wikang pambansa pa rin ang karamihan sa ginagamit.Sa larangan ng mga sining, sa pinilakang tabing lalo na sa paggawa ng mga kanta hindi rin mapag-iiwanan ang wikang pambansa. Pilit na itinataguyod ng ating mga mang-aawit ang pagtangkilik sa “original Pilipino music” o ang OPM.
Gumagamit rin ang mga manunulat ng mga mabubulaklak at mga matatalinhagang mga salita. Ito ang kanilang mga panghikayat sa kanilang mga parokyanos. Ang mga matalinhagang salita ay puno ng mga misteryo na lalaong nagbibigay ng interes sa mga nakakabasa nito. Kaya sa mga panitikang Pilipino ito ang kadalasan na nakikita mula sa mga may akda.
Tanyag dito ang mga gawa ni Francisco Baltazar na Florante at Laura. Hindi rin dito pahuhuli ang limbag na aklat ni Jose Rizal na Noli mi Tangere at El Filibusterismo. Mga aklat na tunay na klasikal at lalong sumisikat sa pagtagal at paglipas ng panahon. Sa pagtangkilik at paggamit ng sariling pambansang wika ay napapahalagahan ito, naprepreserba upang hindi ito tuluyang mawala sa sirkulasyon ng komunikasyon.
Halimbawa ng Pampantikang Wika
- Kabiyak ng aking puso – “Si Teresa ang kabiyak ng akin puso.” Ang ibig sabihin nito ay kasintahan niya si Teresa.
- Ilaw ng tahanan – “Ang ilaw ng tahanan ang siyang nag-gagabay sa paglaki ng mga anak.” Ang ilaw at ay tumutukoy sa ina
- Bunga ng aming pagmamahalan – “Si Brian ang bunga ng aming pagmamahalang mag-asawa”. Ang ibig sabihin nito ay anak.
- Mababaw ang luha – “Sadyang mababaw ang luha ng akin Ina. Lagi siyang umiiyak kapag nanonood ng soap opera.” Ang ibig sabihin nito ay madaling umiyak.
- Bukas palad – “Bukas palad kaming tinanggap sa bahay ng mag-asawang doctor noong bumabagyo.” Ang ibig sabihin ng bukas palad ay maluwag sa pusong pagtulong.
Sa paghubog ng katalinuhan ng bawat tao, ang wika ang pinakamabisang sandata para hasain ito. Maging ang mga salat sa paningin ay kayang ipaintindi at makapag-pahayag ng kanilang mga damdamin sa pamamagitan ng wika.
Kapos man sa salita ay wika pa rin ang gamit sa bawat kumpas gamit ang mga kamay. Ang wika ay hindi lamang bahagi ng kultura ng isang bansa bagkus ito ay natatanging biyaya sa atin hindi lamang para sa paglinang ng sangkatauhan ay para sa pagkakaunawaan.
Kasabay ng pagbabago ng antas ng bawat indibidwal ay nagbabago rin ang antas ng wika na mayroon at ginagamit natin.Malaki ang impluwensiya na ating kapaligiran. Kung ano ang ating naririnig ay siya ring ating ginagaya. Pormal, inpormal, lalawiganin, kolokyal, balbal, wikang pambansa o anu pa mang antas ng wika ang mahalaga ay maging mapanuri tayo sa bawat salita na ating binibitawan.