Tanong
Ibigay ang sariling pananaw tungkol sa mga magulang na nagpapasiya para sa kanilang mga anak
Sagot
Sinasabing ang mga magulang ay ang tanglaw ng kanilang mga anak. Mula sa araw ng kapanganakan nito, hanggang sa mga panahong kailangang hubugin ang kaniyang mga pananaw sa buhay, kailangan ay nakaalalay ang mga magulang.
Gayunman, nagkakaroon ng suliranin kapag naisasawalang bahala ang sariling desisyon ng anak dahil mayroong mga magulang na ang nais ay sila pa rin ang magpasiya para sa mga ito. Katulad ng anumang uri ng relasyon, kapag umabot sa puntong ganito ang ugnayan ng anak at magulang, hindi maiiwasang magkaroon ng mga hindi pagkakaunawaan.
Walang masamang maging gabay ang mga magulang. Mahalaga ang kanilang mga payo at pananaw sa buhay dahil marami na silang karanasan. Ngunit kailangan ding maisaalang-alang ang katotohanang bilang isang indibidwal, mayroon ding sariling pasya ang kanilang mga anak. Marapat lamang na hayaan nila ang kanilang mga anak na gumawa ng mga hakbang para sa kanilang mga sarili higit kung hindi naman ito makasasama para sa kanila.
Sabi nga nila ng laging bilin ng mga nakatatanda, “lahat ng sobra ay masama.” Kung lumalabis ang pakikialam ng mga magulang at hindi nabibigyan ng pagkakataong magpasiya ang mga anak, makararamdam ang mga ito ng kakulangan sa kanilang pagkatao. Karapatan ng isang tao na magkaroon ng kalayaan na gawin ang kaniyang gusto para sa sarili.
Suporta ang kailangan nila higit kung alam naman nating makabubuti sa kanila ang ginawang pasya sa buhay. Dahil bago sila naging mga magulang, minsan din silang naging mga anak na minarapat na gumawa ng desisyon para sa kanilang mga sarili.