Sa mga pitong kontinente sa buong mundo, ang kontinente ng Asya ang pinakamalaki sa sukat man ng lokasyon o sa bilang ng mga taong naninirahan dito. Ang sukat ng rehiyon ng Asya ay umaabot sa 43,810,582 kilometro kwadrado o 17,159 milya kwadrado at may kabuuang bilang ng populasyon na 4.44 bilyon noong 2016.
Limampu’t isang bansa ang bumubuo sa rehiyon sa Asya, at dahil dito sila ay mayaman sa iba’t-ibang uri ng sining, musika, lutuin at maging sa panitikan at mga natatanging kultura ang bawat rehiyon. May kanya-kanyang istorya ang mga bansang ito, kahit umano magkadikit na bansa sa Asya ay hindi magkakapareho ang kani-kanilang mga lengguwahe.
Limang parte ng Asya
Ang rehiyon sa Asya ay nahahati sa lima. Una ay ang Hilagang Asya, ito ay binubuo ng mga bansang Kazakhstan, Kyrgyzstan, Tajikistan, Turkmenistan, Uzbekistan. Ito ang mga bansang kabilang sa tinatawag na sentral continental. Mahabang taglamig at maikling tag-init ang nararanasang klima sa mga lugar na ito. Ang malaking bahagi sa rehiyong ito at kilala sa tawag na Russian Asia o Asian Russia.
Pangalawa ay ang Timog Asya o ang Katimugang Asya. Ito ay binubuo ng mga bansa sa timog ng Himalaya. Kabilang dito ay ang Afghanistan, Bangladesh, Bhutan, India, Maldives, Nepal, Pakistan at Sri Langka. Kasama rin ang Burma at Tibet sa rehiyon na ito. Lugar ng Mystisimo ang tawag sa mga katimugan Asya, dahil sa kanilang mga iba’t-ibang relihiyon gaya ng Hinduism, Buddhism, Jainism at Sikhism.
Pangatlong parte ng Asya ay ang Kanlurang Asya. Ito ay binubuo ng mga bansang Saudi Arabia, Lebanon, Jordan, Iraq, Kuwait, UAE, Yemen, Omar, Qatar, at Bahrain. Judaism, Kristiyanismo at Islam ang relihiyon ng mga naninirahan dito. Disyerto ang lugar na ito kaya mainit at kaunti lamang ang ulan. Mayaman sa krudo at langis ang rehiyon na ito.
Ang pang-apat ay ang Silangang Asya. Ito ay kinabibilangan ng bansa ng People’s Republic of China, Hilagang Korea, Timog Korea, Mongolia, Japan at Taiwan.
Ang mga bansang kabilang dito ay natatangi sa larangan ng ekonomiya sa buong mundo. Gaya ng mga ibang bansa sa Asya, sila ay mayaman din sa kultura at may iba’t-ibang paniniwala sa relihiyon at pilosopiya na humubog at bumago sa kaisipan at gawi sa pagdaan ng panahon.
Ang pang-lima ay ang Timog-Silangang Asya. Binubuo ito ng Pilipinas, Indonesia, Thailand, Malaysia, Vietnam, Singapore, Myanmar, Cambodia, Laos, Brunei, East Timor. Mainit sa mga lugar na ito at sagana sa mga natural na kagandahan ng mga paligid, mas mura ang bilihin dito kumpara sa mga ibang parte ng bansa kaya dinudumog ng mga turista ang Timog-Silangang Asya. Mayaman sa kultura at mababait ang mga tao.