Tuwing nababangit ang Asya sa mga eskwelehan o di kaya naman ay sa balita, madalas na ang mga bansa lamang ng Tsina, Japan, Korea, Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Vietnam, Taiwan, Singapore at Thailand ang naiiisip ng mga tao. Bukod-tangi lamang ang nakakaisip sa ibang parte ng Asya, gaya na lamang ng hilagang rehiyon nito.
Ang Asya ay ang pinakamalaking kontinente sa mundo, tahanan ito ng mahigit 4.4 bilyong tao na may mga kanya-kanyang kultura na pinapahalagahan. Tuklasin ang mga iba’t iba pang lugar sa Asya.
Ang Mga Bansa Nito
Ang Hilagang Asya ay binubuo ng Siberia. Ang Siberia ay ang bahagi ng Russia na nasa silangan ng bulubundukin ng Ural, hilaga ng Kazakhstan at Mongolia, Kanluran ng Karagatang Pasipiko, at nasa Timog ng Karagatang Artiko. Matatagpuan rin sa rehiyon na ito ang mga bundok ng Chersky, Okhotsk-Chaun at Verkhoyansk.
Ang klima rito ay may mahabang tag-lamig, at mailkli namang panahon ng tag-init. Ang rehiyon ng Siberia na kinikilalang Hilagang Asya ay may lawak ng 13.1 milyong kilometro-kuwadrado, na bumubuo ng pitumput-pitong porsiyento ng kalupaan ng bansang Ruso. Ang malaking bahagi ng rehiyong ito ay minsang tinatawag na “Asian Russia” o “Russian Asia”.
Sa rehiyon ito ng Asya, mayroong walong time zone. Ang pinakamalaking lungsod sa Hilagang Asya ay ang Lungsod ng Novosibirsk, at ang mga iba naman ay ang mga lungsod ng Barnaul, Chelyabinsk, Irkutsk, Kemerovo, Khabarovsk, Krasnoyarsk, Novokuznetsk, Omsk, Tomsk, Tyumen, Vladivostok, Yakutsk, at Yekaterinburg, na lahat ay nagmula sa rehiyon ng Siberia, na nasa bansa ng Russia.
Ang mga wikang sinasalita ng mga tao sa Hilagang Asya ay Russian, Ainu, Chukotko, Kamchatkan, Eskimo-Aleut, Mongolic, Tungusic, Turkic, Uralic, Yeniseian, at Yukaghir.
Ang populasyon ng tao dito ay tinatayang may 40 million, na bumubuo ng dalawamput-pitong porsiyento ng kabuoang bilang ng populasyon sa bansang Ruso, at ito ay isa sa mga lugar sa mundo na may pinaka-kalat na tao. Madalas na pagdebatihan kung saan nabibilang ang bansang Ruso, kung sa Asya ba ito o sa Europa.
Ang opinyon ng mayorya na ang bulubundukin ng Ural ang palatandaan kung aling bahagi ng Russia ang nabibilang pa sa Europa o Asya, at mayroon din namang nagsasabi na ang Russia ay nasa kontinente ng Eurasia, ang pinagsamang Europa at Asya.