Sa kanlurang bahagi ng Mindanao ay matatagpuan ang kaharian ng Mantapuli. Ito ay pinamumunuan ng isang matapang at makapangyarihang hari na si Indarapatra.
Isang araw ay nabalitaan ng hari ang kaguluhan na nangyayarri sa labas ng kanyang kahariian. Kinuha niya ang kanyang mahiwagang kris (Juru Kapal) at ito ay kanyang inihagis papunta sa bundok ng Matuntun. Agad namang nakauwi si Juru Kapal at ito ay nagbigay ng ulat kay indarapatra.
Isang Nakakatakot na Halimaw
Ang kapatagan ng Magindanao ay nababalot ng takot at kaguluhan sanhi ng mga halimaw na gumagambala sa mga tao. Agad na inutusan ang kapatid na si Sulayman upang sugpuin at wakasan ang pananakot ng mga halimaw.
Bago umalis si Sulayman ay nagtanim ng mahiwagang halaman si Indarapatra. Ito ang magbibigay ng bababala sa kalagayan ng kapatid habang siya ay nakikipaglaban. Ang pagkamatay ng halaman ay mangangahulugan din ng kamatayan ni Sulayman.
Ang Paglalakbay ni Sulayman
Naglakbay si Sulayman gamit ang kanyang vinta, at ang una niyang narrating ay ang bundok ng Kabilalan. Dito ay natagpuan niya si Kurita, ang halimaw na mayroong limang paa at kumakain ng tao. Matagal at madugo ang sagupaan ng dalawa, ngunit sa bandang huli ay nasaksak ni Sulayman si kurita ng kris.
Sumunod na nakita ni Sulayman ay ang nag-aanyong tao na halimaw na si Tarabusaw. Pinakiusapan niya ito upang lisanin ang Magindanao at tigilang ang pananakot sa mga tao. Hindi nakinig si Tarabusaw, sa halip ito ay lumaban at tuluyang namatay.
Pinagpatuloy ni Sulayman ang paglalakbay upang hanapin pa ang mga natitirang halimaw. Umabot siya sa bundok Bita at doon ay nakita niya ang maraming labi ng naagnas na tao pati na mga kalansay. Biglang nagdilim ang paligid at lumabas ang higanting ibon na si Pah. Mabilis na inilalabas ni Sulayman ang kanyang espada at pinagtataga ang dambuhalang pakpak ng halimaw.
Nagwagi si Sulayman, ngunit sa kasawiang palad ang pakpak mula sa higanting si Pah ay dumagan sa kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Mula sa kaharian ng Mantapuli ay agad na nakita ni Indarapatra ang pagkatuyo ng mahiwagang halaman. Dahil dito ay agad niyang hinanap ang kapatid, at sa bundok ng Bita ay natagpuan niya ang katawan ni Sulayman.
Niyakap niya ang walang buhay na kapatid at siya ay tumangis. Nagdasal siya at nagmakaawa kay Bathala upang ibalik ang buhay ni Sulayman, at siya ay pinakinggan ng langit Mula sa hindi kalayuan ay mayroong bumulwak na tubig .
Agad niya itong ipinainom kay Sulayman. Muling nabuhay ang kanyang kapatid at dahil sa takot ay inutusan na lang itong bumalik sa kaharian at siya na lamang ang maghahanap sa natitirang halimaw.
Sagupaan ni Balbal at Indarapatra
Narating ni Indarapatra ang bundok ng Guryan, dito niya naakasagupa si Balbal. Isa -isang pinutol ni Indarapatra ang pitong ulo ng halimaw hanggang sa isa lang ang natira. Nakatakas ang halimaw at hindi niya ito tuluyang napatay.
Nagkaroon ng katahimikan ang Magindanaw, kumalat ang kabayanihan na ginawa ni Indarapatra, dahil dito ay ipinakasal ng raha ang kanyang anak na prinsesa kay Indarapatra bilang pasasalamat.
Ang Indarapatra ay epiko ng mga taga Mindanao. Dito ay makikita kung gaano katapang ang mga mandirigama sa nasabing lugar. Makikita rin na sa likod ng kanilang katapangan ay ang likas na pagmamahal lalo na sa kapamilya.