Marami ang humahanga kay Liongo, isinilang sa isa sa pitong bayan sa babayin ng Kenya, dahil sa kaniyang lakas at talino. Dinadakila siyang makata sa kanilang lugar. Malakas din siya at animo’y higante sa laki nito.
Hindi rin siya tinatablan ng anumang armas. Ngunit sa kabila ng lakas, may kahinaan din siya na batid nila ng inang si Mbwasho. Kapag natamaan ang kaniyang pusod, ikamamatay niya ito.
Hari si Liongo ng ilang lugar sa Kenya tulad ng Ungwana sa Tana Delta at ang Isla ng Pate na pinamumunuan noon ng pinsang si Haring Ahmad na unang lider ng Islam. Nainggit ito kay Liongo kaya naman gumawa ito ng paraan upang mawala ang pinsan.
Ipiniit niya ang higanteng si Liongo at ikinadena. Dahil matalino, naisip ni Liongo na gumawa ng isang papuri. Inawit ito ng mga bantay ng kaniyang kulungan at dahil doon ay nakatakas si Liongo. Nakita man siya ng mga tao, wala silang nagawa at nakatakas ang higante.
Nanirahan ito sa kagubatan nang mapayapa. Doon ay nag-aral siyang gumamit ng mga armas kabilang ang pana. Dahil sa husay, nanalo si Liongo sa sinalihang patimpalak na patibong pala ni Haring Ahmad para mahuli ang pinsan.
Nakatakas si Liongo at napadpad sa Gala kung saan may giyera. Dahil sa lakas, napagwagian niya ito. Natuwa ang hari at ipinakasal ang kaniyang anak kay Liongo. Nagkaroon sila ng sariling pamilya. Gayunman, ang anak ni Liongo na lalaki ay nagtraydor sa kaniya. Kinitil siya nito sa pamamagitan ng pagtusok sa kaniyang pusod.