Bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino ang pagsakay sa mga pampasaherong sasakyan. Ilan sa mga karaniwang sinasakyan natin ay ang dyip na tinaguriang hari ng kalsada, bus, traysikel, at maging pedicab. Ngunit maliban sa paghahatid sa atin sa destinasyon, ang mga pampublikong sasakyan ay naglululan din ng ilang mahalagang tugma na bahagi ng ating mayamang panitikan—ang mga tugmang de gulong.
Ano ang Tugmang De Gulong?
Kahulugan – Tinatawag na tugmang de gulong ang mga paalalang makikita sa mga pampublikong sasakyan gaya ng dyip, traysikel, o bus. Ang mga tugma o paalalang ito ay karaniwang nakatutuwa, nanunudyo,o di kaya naman ay mayroon talagang makabuluhang mensaheng nais iparating sa mga pasahero. Karaniwan ding inihahango ang mga tugmang ito sa mga kasabihan o salawikaing Pilipino.
Hindi man isinulat ng mga lehitimong manunulat, kakikitaan pa rin ng pagkamalikhain kung paano naisisulat ang mga tugmang de gulong. Dahil hango ito sa mga salawikain, naroroon pa rin ang mga tugma at pinapalitan lamang ang mga salita upang maging tugma sa buhay pagbiyahe ng mga Pilipino.
Mga Halimbawa ng Tugmang De Gulong
Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa ng mga tugmang de gulong na naging bahagi na rin ng pagbiyahe ng marami sa atin. Alamin ang 20 na halimbawa na ito:
- Upong nuwebe lamang nang lahat ay magkasya.
- Wag dumi-kuwatro dahil dyip ko ay di mo kuwarto.
- God knows Hudas not pay.
- Barya lang po sa umaga, sa hapon pwede na.
- Batak mo, hinto ko!
- Bayad muna, bago baba.
- Bayad muna, bago mag-cellphone.
- Pull the string to stop.
- Ang di magbayad, walang problema. Sa karma pa lamang ay bayad ka na.
- Huwag kalimutang pumara nang makauwi sa pamilya.
- Kapag mataba, doble ang bayad.
- Ang di magbayad mula sa kaniyang pinanggalingan ay di makararating sa paroroonan.
- Diyos ko, ilayo mo po ako sa mga barat na tao.
- Bayad muna, bago matulog. Hindi ito hotel.
- Ang sitsit ay sa aso, ang katok ay sa pinto, sambitin ang ‘para’ para ang dyip ay huminto.
5 Halimbawa ng Tugmang De Gulong Tungkol sa Paaralan
- Siguruhing sa eskwela ang punta, sayang discount naming ibinigay.
- Sa mga discount sa estudyante, para ko kayong pinag-aaral lahat.
- Estudyante lang ang may discount, hindi ang mga mukhang estudyante lang.
- No discount Sabado-Linggo/ Holidays.
- No ID Senior, Students, PWD, No discount.
10 Halimbawa ng Tugmang De Gulong Tungkol sa Pag-ibig
- Sana pwede ring batakin ang tali kapag gusto mo nang ihinto ang relasyon.
- Susuklian kita nang tama, di tulad ng pag-ibig mong di niya sinuklian.
- Sa dyip pwede mong ipagsiksikan ang sarili mo, huwag lang sa pag-ibig.
- Basta drayber, siguradong sweet lover.
- Ayos lang na sa jeep sumabit, basta wag lang sa asawa ng iba.
- Bayad muna bago titigan si crush.
- Mag-ingat sa mga mandurukot. Parang pag-ibig yan, di mo namamalayan, sinasaktan ka na pala.
- Miss na sexy, kung gusto mong malibre, sa drayber ka tumabi.
- Ang relasyon ay parang jeep. Hindi mo alam kung kailan siya bababa.
- Hindi mo mapipili ang makakatabi mo sa jeep, parang mamahalin mong tao.
15 Halimbawa ng Tugmang De gulong Tungkol sa Isyung Panlipunan
- Sa pagtaas ng gasolina, kaming mga drayber ay naghahabol ng hininga.
- Sa tamang babaan lang pumara, mahirap nang magmulta.
- Sumunod sa batas pantrapiko, magagalit si Duterte.
- No badge. Magbayad kahit mayroong posisyon sa gobyerno.
- Magbayad nang tama dahil mahal ang presyo ng gasolina. May binubuhay kaming pamilya.
- Sumunod sa batas, para hindi mabawasan ang pambili ng gatas.
- Magbayad ng pamasahe. Wala na kaming kita dahil sa trapik.
- Kung ayaw mong maabala sa biyahe mo, mag-taxi ka na lang!
- Aanhin pa ang gasolina kung dyip ko ay sira na.
- Mag-ingat sa mga mandurukot.
- Huwag magtulugtulugan. Mag-abot ng bayad.
- Bawal magpasok ng itlog ng pugo, mais. Bawal ang makalat na pagkain.
- Dito ang tamang basurahan, hindi sa bintana inihahagis ang pinagkainan.
- Huwag magsigarilyo, hindi tinapa ang katabi mo na dapat pausukan.
- Ang taong tapat, sa tamang destinasyon nararapat.
5 Halimbawa ng Tugmang De Gulong Tungkol sa Kabataan
- Ang mga bata sa jeep ay kinakandong. Kailangang bantayan at arugain ng mga magulang at tiyaking ligtas sa biyahe.
- Ang batang mahilig mag-abot ng bayad sa jeep, paglaki, kundoktor.
- Bawal ang bata sa harap.
- Ang kabataan ang pag-asa ng bayan, kaya bumaba lamang sa may paaralan.
- Estudyanteng nag-aaral lang nang mabuti ang may diskwento.
5 Halimbawa ng Tugmang DDe Gulong Tungkol sa Pasahero
- Umupo nang maayos para lahat ay komportable sa biyahe. Parehas kayong nagbayad.
- Huwag bumukaka, dahil hindi ka naman palaka.
- Ang maganda umupo sa kanan, ang kyut sa kaliwa, ang sexy sa harap, ang pangit ay bumaba.
- Pwedeng matulog, ngunit magbayad muna at bawal humilik.
- Mahiya ka naman, magbayad ka. Baka mabangga ka pagbaba mo!
Katangian ng Tugmang De Gulong
Payak lamang ang katangian ng mga tugmang de gulong. Dahil hindi ito isang uri ng pormal na tula o anumang akda, wala itong sinusunod na tugma, bilang ng pantig, o maging bilang ng mga salitang gagamitin.
Karaniwang nakaayon lamang ito sa mga tanyag na kasabihan o salawikain. Kung sariling akda naman, kinakailangan lamang ay nakatutuwa ito at mayroong kinalaman sa buhay ng isang tsuper o pasahero. Maaari din itong maging panunudyo o pang-aasar ngunit iniiwasan ang labis na paggamit ng salita upang hindi naman lubhang makasakit ng damdamin. Maaari din namang seryoso ang tono sa pagbibigay ng paalala o motibasyon sa mga pasahero at kapuwa komyuter.
Bakit Nabuo ang mga Tugmang De Gulong?
Ayon sa mga eksperto sa wika at lingguwistika, walang tiyak na dahilan sa pagkakabuo ng mga tugmang de gulong. Ngunit mababakas umano ang pinagmulan nito sa naisin ng mga may-ari ng pampasaherong sasakyan na mas pagandahin ang kanilang mga ginagamit sa hanapbuhay. Upang maging kakaiba, imbes na larawan ng mga sikat na personalidad, sinubukan nilang isulat ang mga paalala sa mas malikhaing paraan na naging patok naman sa mga komyuter. Dahil doon, lumaganap ang paglalagay ng mga paalala sa mga pampasaherong sasakyan at kalaunan ay nakilala bilang tugmang de gulong.
Maraming salamat sa pagbasa. Sana ay marami kayong natutunan. Ikaw? Meron kabang Tugmang De Gulong pwede ishare samin? Wag ka na mahiya, ishare mo na yan dahil marami kang matutulungan na mga estudyanteng katulad mo! Sharing is caring nga diba? haha 🙂