Bakit Mahalaga Ang Kilos Na Ating Isinasagawa?

Tanong

Bakit mahalaga ang kilos na ating isinasagawa?

Sagot

May kasabihan sa English na “action speaks louder than words.” Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit napakahalaga ng mga ipinakikita nating kilos dahil nagsasalarawan ito n gating pagkatao—kung paano tayo pinalaki ng ating mga magulang, kung ano ang mga pinaniniwalaan nating pagpapahalaga sa buhay, at kung paano natin tinitingnan ang kahalagahan ng ating kapuwa.

Pamana ng mga magulang

Sinasabing kung ano ang puno, siya ang bunga. Kadalasan, kung paano tayo hinubog ng ating mga magulang sa ating mga tahanan ay lumalabas sa ating mga kilos at galaw. Makikita kung mayroon bang disiplina sa pananalita, sa pagkain, sa pakikisalamuha sa iba, maging sa pagpapanatili ng mga pagpapahalagang Pilipino.

Repleksiyon ng pagpapahalaga

Ang mga kilos din natin ay sumasalamin sa ating mga pinaniniwalaan sa buhay. Dito lumalabas ang mga nakagawian at paniniwalang nabuo natin sa ilang taong pamamalagi sa daigdig. Bawat tayo ay may kaniya-kaniyang pananaw sa buhay. Magkakaiba man, ang mahalaga ay maipakita pa rin ang paggalang sa kapuwa.

Pagpapahalaga sa kapuwa

Pinakamahalagang kilos ay ang pagpapakita ng kabutihan sa kapuwa. Sabi nga, “huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo.” Mahalagang maipakita ang wastong kilos sa pakikisalamuha sa iba dahil dito rin nakabatay kung anong klaseng mundo ang iyong bubuuin para sa iyong sarili. Kung kabutihan ang naipakikita sa iba, kabutihan din ang babalik sa iyo.