Ang buhay ng isang tao ay maihahambing sa isang bahag-hari, isang simbolismo na puno ng kulay at hindi alam kung hanggang saan ang hangganan at saan ang patutunguhan.
Mula sa aking pagkabata ay may mga pangarap na akong marating sa buhay. Simple at mga mumunting mga pangarap na para sa aking ama at ina ay nagdudulot na ng malaking tuwa at galak.
Nakagisnan ko sa aking kamusmusang isip ang ordinaryong uri ng pamumuhay. Hindi kami mayaman ngunit may sapat na kakayahan para matugunan ang mga bagay na importante sa aming pamumuhay.
Lumaki ako na busog sa pangaral at pagmamahal ng aking mga magulang. Mayroong pagka-istrikto sina tatay at nanay. Pangunahing minulat sa aking kaisipan ang pagbibigay galang at respeto sa lahat ng may buhay sa mundong ibabaw.
Palagi nilang pinapaalala sa akin na bawat mali na gagawin mo sa buhay ay may katumbas na kabayaran.
Ako ay isang halimbawa ng tao na mas masaya sa anumang uri ng lakad kapag pamilya ko ang aking mga kasama. Hindi kami perpekto. Nag-aaway rin kami pero iba pag sila ang aking kahalubilo.
Mayroon rin akong mga kaibigan ngunit maselan ako sa pagpili sa mga ito. Naging mataas ang aking pamantayan dahil na rin siguro sa nahawa na rin ako sa pagiging istrikto ng aking mga magulang.
Ngayon na ako ay nasa ligal na edad na, pamilya ko pa rin ang aking kanlungan. At sa aking pagmumuni-muni sa aking buhay, napagtanto ko kung gaano ako pinagpala.
Hindi man kami mayaman, napalaki naman kami na maging mga mabubuting tao. Nakapagtapos ng mga kurso, may magandang pinagkakakitaan, at higit sa lahat may takot kami sa Diyos at hinding-hindi kami napariwara.
Kagaya ng isang bahag-hari, makulay ang ating buhay pero huwag kang masyadong magpapadala. Wala tayong kasiguraduhan kung saan man ang kanyang hangganan, pero tayo ay may kakayanan kung saan natin gustong mapunta ang ating kinabukasan.